TAMA LANG ANG GINAGAWA NI DIGONG SA OLIGARCH

DPA

HINDI ko masisisi si Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit  galit ito sa mga Oligarch na kumopo ng mga malalaking kontrata sa gobyerno sa la­rangan ng public service tulad ng transportasyon, tubig at kuryente.

Patuloy kasi ang pag­yaman ng mga ito habang ang mamamayan ay patuloy naman sa pagkayod para mabayaran ang kanilang mga bills na pataas nang pataas habang tumatagal.

Halos lahat ng mga kontratang pinasok ng mga maya­yamang negosyante sa ating ­gobyerno ay pawang pabor sa kanila at ngayong lang nagkaroon ng pangulo na kaya silang galawin.

Mangungutang sila sa ibang financial institution na ginarantiyahan ng ating bansa.

Ibig sabihin kapag hindi sila makabayad sa kanilang inutang ay tayong mga Filipino tax pa­yers ang magbabayad sa kanilang inutang.

Minsanan lang kung kumita ang gobyerno dahil sa concession fees na binabayaran ng mga Oligarch kapag naikasa na ang malaking kontrata habang sila naman ay patuloy ang paghahakot ng pera sa mga ordinaryong mamamayan.

Sa industriya ng tubig, maging ang future projects ng mga water concessionaires ay advance na sinisingil sa mga consumers pero walang proyektong itinatayo. Naniniwala ako na ginagamit nila ang pera natin sa iba pa nila negosyo.

Kaya pala kapag eleksyon lalo na sa presidential election ay malalakas magbigay ng campaign funds ang mga negosyanteng ito sa isang presidential candidate na alam nilang mananalo.

Nagkamali lang siguro sila nang tinayaan noong 2016 presidential election at hindi nila inakala na mananalo si Duterte at kung nagtangka man silang tumulong sa kampaya ni Digong baka tinabla sila kaya walang nililingong utang na loob ang dating Davao City mayor sa kanila at ngayon ay kinakalkal ang kanilang hindi makatarungan at makataong kontrata.

Ngayon ay nauunawaan ko na kung bakit hindi pabor ang mga militanteng grupo sa pagsasapribado sa mga public service dahil ginagawang gatasan lang ito ng mga malalaking negosyante.

Eto marahil ang dahilan kung bakit malalaki kung magpasuwedo ang mga private companies na ito sa kanilang mga top officials na malayong-malayo sa mga sinusuweldo sa gobyerno.

Pero tanging ang mga top officials lang naman ang kanilang sinusuwelduhan nang malalaki habang ang kanilang mga ordinaryong manggagawa ay mga minimum wage earner lang.

Hindi rin dapat tantanan ang mga dating opisyales ng gobyerno na pumayag na pagkakitaan ng mga Oligarch ang mga mamamayan dahil kung hindi sa kanila, wala naman ang mga sakim na mga negosyanteng ito. (DPA / Bernard Taguinod)

Related posts

Leave a Comment