TAPANG NG MGA SUNDALONG PILIPINO

HIGIT na kilala ang mga Pilipino sa tapang na ipinamalas ng ating mga ninuno, bagay na tila hindi na makita sa isyu ng ­teritoryong mistulang ipinamigay na sa mga Tsino.

Kung tutuusin, hindi nawawala sa dugo ng mga sundalo ang pagiging palaban at makabayan. Pero sa ilalim ng sistemang kalakip ng istruktura ng pamahalaan, kinakailangan ang hudyat mula sa pamunuang tiklop sa mga
mananakop.

Taong 2016 nang mahalal bilang ­Pangulo si Rodrigo Duterte. Ito rin ang hudyat ng pamamayagpag ng mga dayuhang Tsino sa ating sakop na teritoryo – karagatan man o sa kalupaan. Mula noon, lumawak at tumibay ang kapit ng bansang Tsina sa ating mga bahura.

Katwiran ni Rodrigo, hindi uubrang ­maki­-pag­digmaan ang Pilipinas sa lakas ng sandatahan ng Tsina.

Ang totoo, walang may gusto sa digmaan. Hindi kailangan ng digmaan para manindigan. Kung gusto, maraming paraan. Kung ayaw, asahan natin ang mahabang talaan ng dahilan para lang ang kaibigan niyang Tsino ay protektahan.

Pwede namang paulit-ulit na igiit ang hatol ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na nagbasura sa pag-angkin ng Tsina sa karagatang pasok sa Exclusive Economic Zone ng bansang Pilipinas.

Ang siste, pikit-mata ang Presidente. Sa tuwing may isyu sa panggigipit ng Tsina sa mga mangingisdang Pilipino at sasakyang dagat ng bansa, iwas-pusoy ang Pangulo na tila ba nakatali na sa isang pangako. Pangakong iniligwak mismo ng Chinese Foreign Ministry, kasabay ng hayagang pagpapalayas sa ating magigiting na mga sundalo sa Ayungin Shoal.

Ang tanong – sino ba ang nangako?

223

Related posts

Leave a Comment