TERMINAL LEAVE SA PNP CHIEF

SIDEBAR

Kilalang malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Bong Go kaya nang sinabi niya sa media na ang presidente mismo ang nag-utos kay Gen. Oscar Albayalde na mag-terminal leave sa Philippine National Police, walang dahilan para pagdudahan ang senador.

Si Interior Secretary Eduardo Año ang inatasan ni Pangulong Duterte na kausapin si Gen. Albayalde na agad namang tumalima kung kaya noong Oktubre 14 ay bumaba na sa kanyang puwesto si Albayalde at itinalaga bilang officer-in-charge ng PNP si Lt. Gen. Archie Gamboa na kasalukuyang deputy chief for operations.

Una nang inianunsiyo ni Gen. Albayalde na Oktubre 29 siya bababa sa puwesto dahil nais umano ni Pangulong Duterte na paagahin ang turn-over ceremony para sa bagong PNP chief bago siya pumunta sa ibang bansa.

Pero nabago ang orihinal na plano dahil na rin sa mabigat na kasong haharapin ni Albayalde at ito ay may kinalaman sa kanyang pagbibigay-proteksyon sa 13 miyembro ng Pampanga Police Provincial Office na nasangkot sa pag-recycle ng 160 kilo ng shabu at iba pang iregularidad sa isinagawang operasyon noong Nobyembre 2013.

Provincial director ng Pampanga noon si Albayalde at base sa naging imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group na pinamumunuan noon ni Director Benjamin Magalong (ngayo’y Baguio City mayor), 200 kilo ng shabu ang nasamsam ng “Pampanga ninja cops” pero 36 kilo lang ang idineklara at ang164 kilo na balanse ay ipinabenta sa kanilang mga asset.

Base sa investigation report ni Magalong, ipinag-utos ni PNP Director-General Alan Purisima ang pagsibak sa puwesto kay Albayalde bilang Pampanga provincial director at ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo sa 13 ninja cops.

Si Magalong ang nagsabi na walang choice si Albayalde kundi bu­maba na sa puwesto dahil iniiwasan na siya ng mga opisyal ng PNP dahil sa mga alegasyon na nakinabang siya sa ninja cops base sa naging pahayag ni retired Chief Supt. Rudy Lacadin.

Nobyembre 8 pa ang aktwal na petsa ng retirement ni Gen. Albayalde pero sa kanyang pagbaba sa puwesto ay wala nang retirement honors na igagawad sa kanya ang PNP at wala na ring turnover na magaganap matapos mag-appoint ng bagong PNP Chief si Pangulong Duterte.

May mga nagsasabing politika ang dahilan ng paggiba kay Albayalde sa Senate Blue Ribbon Committee pero mahirap itong paniwalaan dahil hindi naman kakandidato si Albayalde sa 2022. Masyado pa ring maaga para sabihing ginamit ng mga senador ang imbestigasyon para sa kanilang political career sa 2022 na lubhang napakalayo pa rin.

Una kong narinig ang tungkol kay Albayalde at 13 ninja cops nang maitalaga siyang hepe ng National Capital Region Police Office noong 2016.

Ang malaking tanong lang ay kung bakit hindi naging isyu sa kanya ang tungkol sa Pampanga ninja cops noong 2013 nang maitalaga siyang NCRPO chief at lalo na nang naging PNP Chief siya kapalit ng nagretirong si Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na isang senador na ngayon.

Kung tatanungin mo ang Tulfo brothers, “karma” ang dahilan kung bakit kung kailan magre­retiro na sa PNP si Gen. Albayalde ay saka pa naungkat ang tungkol sa Pampanga “ninja cops.” Ano sa palagay niyo? (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

150

Related posts

Leave a Comment