TOKHANG SA MGA AKTIBISTA!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Matinding galit at pighati ang damdamin ng sambayanan sa pagpatay sa dalawang lider ng Karapatan at volunteers ng Bayan Muna sa Sorsogon nito lamang Sabado.

Walang-awang pinagbabaril si Ryan Hubilla, senior high school student, at si Nely Bagasala, isang maybahay, habang lulan ng traysikel umaga ng Hunyo 15. Sila ay pinatay sa gitna ng isang residential area sa Phase 2, Seabreeze Homes Subdivision Brgy. Cabid-an, Sorsogon City. Nangyari ang madugong pagpatay kulang sa isang kilometro lamang ang layo sa City Police Office.

Tokhang sa mga akti­bis­­ta ang nangyayaring pag­­­patay gaya ng libu-li­bong drug suspects na pinapaslang mula nang umupo si Duterte sa Malacañang, walang pakundangang pinapaslang ang mga aktibista sa gitna man ng maraming saksi o kahit sa katirikan ng araw, habang ang pulis ay hung­kag sa paghuli ng mga salarin.

Titiyakin ng samba­yanan na mananagot ang gumawa ng pagpatay na ito. Gaya ng berdugong heneral na si Jovito Palparan, mabubulok sila sa kulungan at lulubog sa kangkungan ng kasaysayan. Hindi palaging nasa poder ang mga protektor at tagapagkanlong ng mga propesyunal na mamamatay-tao gaya nila. Hindi kami titigil hangga’t hindi nakukuha ang hustisya para sa kanila!

Pinatunayan ng nakaraang eleksyon ang suporta sa Bayan Muna at sa mga progresibong party-list na kritiko ng administrasyong Duterte; at kasama sina Hubilla at Bagasala sa mga kampanyador na nagdala sa Bayan Muna ng mahigit sa isang milyong mga boto. Ito ay patunay sa malaking suporta at pagtitiwala ng mamamayan sa Bayan Muna bilang boses ng sambayanan sa Kongreso; at ang takot ng poder sa mga katulad nina Hubilla at Bagasala na naninindigan at kumikilos para sa karapatan ng taumbayan. Malinaw na ang mga anti-demokratikong pwersa ay ibinaling ang kanilang pasismo sa mga aktibista, para patahimikin at pahinain. Ito ay ating bibiguin! (Kakampi Mo ang Bayan /TEDDY CASIÑO)

74

Related posts

Leave a Comment