TRABAHONG KALABAW NA NGA, GINUGUTOM PA

0

NATANGGAP ko ang liham ukol sa paghingi ng saklolo ng isang OFW na nagngangalang Noraisa Adal Pinguiam na sa kasalukuyan ay nasa Makkah, Saudi Arabia.

Siya ay nakarating sa nasabing bansa sa pamamagitan ng Adnan Manpower Agency noong August 10, 2019.

Pilit niya raw tinitiis ang kanyang pinagdaraanang hirap sa kanyang amo. Pilit din niyang pinagbuti ang kanyang trabaho at talagang nagpakitang gilas siya sa kasipagan dahil umaasa siya na baka magbago ang pagtrato sa kanya ng kanyang employer.

Pero sa mahigit na isang taon nang kaniyang pagtitiis ay imbes na siya ay kagiliwan ay tila mas napasama pa ang kanyang ipinakitang kasipagan.

Dahil tila inabuso na ito ng kanyang employer. Halos araw araw ay hindi na siya pinatitigil sa kanyang trabaho sa kanilang tahanan. Todo utos at paglilinis ng bahay ang kanyang araw-araw na ginagawa.

At bukod sa tahanan ng kanyang employer, ay dinadala rin daw siya sa tahanan ng mga anak nito at doon ay pinaglilinis siya ng bahay.

Sobrang pagod ang kanyang nararanasan sa halos walang pahingang trabaho. Ang masaklap pa raw ay hindi siya binibigyan ng sapat na pagkain na nagiging dahilan ng kanyang panghihina at pagbagsak ng kanyang kalusugan.

Ipinarating niya raw sa kanyang ahensya ang kanyang ­problema na agad naman tumawag sa kanyang employer. Ngunit imbes na siya ay ­matulungan sa kanyang ­pinagdaraanan ay lalo raw napasama ang kanyang sitwasyon.

Dahil bukod sa hindi pagbibigay ng sapat na pagkain ay nararanasan na raw niya ang pananakit o pagmamaltrato ng kanyang amo.

Naranasan na rin ni OFW Noraisa na ikulong sa kaniyang ­kwarto at hindi binibigyan ng pagkain.

Bukod sa pagmamaltrato, pagkukulong at hindi pagbibigay ng sapat na pagkain, isinusumbong din ni OFW Noraisa ang hindi pagbibigay sa kanya ng gamot noong siya ay magkaroon ng karamdaman.

Sumbong din niya na hindi niya natatanggap sa tamang oras ang kanyang buwanang sahod kung kaya pati ang kanyang pamilya na umaasa sa kanyang ipinapadalang sustento ay lubha na rin naapektuhan.

Matindi ang pakiusap ni OFW Noraisa na siya ay masaklolohan ng Philippine Overseas Labor OFFICE (POLO) at ng Overseas Worker Welfare ADMINISTRATION (OWWA) upang malayo na siya sa kanyang mapang-abusong amo.

Ibig na rin daw niyang umuwi sa Pilipinas para makapiling ang kaniyang pamilya.

Ang AKOOFW ay nanawagan sa Adnan Manpower Agency upang matulungan ang kanilang deployed na worker na makauwi na sa Pilipinas.

Ipaparating din ng AKOOFW ang problemang ito ni OFW ­Noraisa sa Repatriation Unit ng POEA.

Related posts

Leave a Comment