ULAN: BIYAYA O SUMPA?

Psychtalk

(Ikatlong bahagi)

Sa paglipas ng panahon, nag-iiba ang mga pakahulugan natin sa mga bagay-bagay. Dahil na rin sa katotohanang nagbabago ang kalikasan o katangian ng mga ito bunsod ng pag-ikot ng oras, pagbabago ng ilang obhetibo at mga suhetibong salik gaya ng mga pananaw, pagpapahalaga, at pakiramdam ng mga taong hinuhubog din ng sariling mga karanasan at paligid.

Gaya rin ng pagbabago ng diskurso ko sa ulan – mula sa isang simple at masayang alaala ng kamusmusan tungo sa mga mapanghamong mga realidad at karanasang konektado sa maulang mga panahon. Kaya nga siguro, madalas, sa halip na sabihin ng iba na “maulang panahon,” ay ginagamit ang “masamang panahon.”

At patuloy na nahuhubog ang paglikha na kahulugan nito. Kung biyaya o sumpa man ay depende ito sa interaksyon ng maraming mga salik.

Para sa mga mag-aaral na hindi gaanong ganadong pumasok, magandang balita ang hatid ng kahit kakaunting ulan: ang pagkansela ng mga klase. Ngunit hindi gaanong mabuti ito para sa mga gurong kailangang maghabol ng pagtalakay ng mga leksyon, o kaya, depende kung sobrang maraming kanselasyon, ay pwersadong mag-make up class. Kaya ‘di gaanong masaya ang kanselasyon ng mga klase para sa ibang mga guro.

Tapos, tila mapanukso ang panahon, lalabas ang araw na tila nakangiting nangungutya sa mabilis na pagsuspendi ng mga nagpapapoging gobernador o mayor, o kaya sa mga nagmi­mintis na tagatantiya ng panahon dahil na rin sa mga outmoded na equipment. Masayang nagbubulakbol sa mga mall ang mga mag-aaral, nanghihinayang naman ang mga guro sa sanay tapos nang mga aralin.

Para sa mga pumapasok sa trabaho na may regular na status, walang problema ang tag-ulan. Madalas masayang pagpapahinga sa bahay ang dulot nito, taliwas sa bigay nitong kaba sa mga umaasa sa arawang sahod.

Para sa mga nasa mahihirap na komunidad sa mga lungsod na makikita sa mga gilid ng ilog at estero, tila isa ito sa la­ging bahagi ng pagsubok sa galing nila sa survival at adaptation. Dahil sa regular nang pagbaha na tila ‘di na kayang solusyonan pa ng kahit na sinong pamahalaan, ang tag-ulan ay panahon ng mga gabi nang dislokasyon at relokasyon, pagtulog sa siksikan at malamig na sementong sahig sa mga pampublikong paaralan. Pero maaari rin namang pamamahinga ito sa pag-iisang kahig-isang tuka at makadama kahit sandali ng kabutihang loob ng iba. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment