ULAN: BIYAYA O SUMPA…?

Psychtalk

(UNANG BAHAGI)

Kung tatanungin natin ang mga kabataan ng mga mas naunang henerasyon tungkol sa pakiramdam nila sa ulan, marahil hindi mahirap makakuha ng mga masasayang kuwento ng kanilang karanasan sa tag-ulan.

Lumaki ako sa probinsya kung saan naranasan ko ang mas maraming magandang pangyayari kaugnay ng pag-ulan: pagligo ng mga bata habang umuulan, pagtampisaw sa mga batis kung saan umaagos ang tubig-ulan, paglabas ng mga pagkain (prutas, gulay, o hayop) na pantag-ulan, at marami pa. Masarap ‘yung mga gulay na ligaw na lumalabas lamang pag umuulan, pati na ang mga kabuteng bigla na lang sumusulpot pag kumikidlat. Piyesta noong bata kami pag tinolang palakang-bukid na maraming luya at may halong dahon ng malunggay ang ulam. O kaya naman ay mga suso na galing sa ilog o gilid-gilid ng palayan.

Kung sakaling may class suspension, maghapong laro o bonus na tulog pagkatapos ng almusal na pritong tuyo, itlog na galing sa mga gawang pugad na nakatali sa mga poste ng kamalig, na may kasamang kapeng mula sa tinustang bigas.

Kung sobrang sama ng panahon sa maraming araw at ‘di kayang makapagluwas at magpakiskis ng palay, manu-mano ang pagbabayo ng palay ng mga magkakapitbahay, habang kaming mga bata ay naglalaro habang pinapanood ang mga matatanda. Mababaw ang aking kaligayahan at inaaliw ko ang sarili sa pagmamasid sa ritmo na nagmumula sa salitan ng “also’ (tawag sa hugis hour-glass na gamit sa pagbayo) na hawak ng tatlo o apat na nagbabayo. Mas marami sila, mas mabilis matanggal ang mga ipa ng palay.

Walang Internet noon, walang kuryente, ang mapag­lilibangan ay pakikinig sa transistor radio at makibalita tungkol sa bagyo at mga drama sa A.M. Kung hindi naman ay magbubugtungan ang mga bata sa loob ng bahay, kuwentuhan, o kaya ay maglalaro ng lastiko ang mga bata. May tig-isa-isa kaming kahon noon na binibili ni tatay pagkatapos ng bentahan ng tabako.

‘Yan ang mga alaalang masasabi kong biyaya ng ulan. Noong simple pa ang buhay at wala pa ang kom­plikasyong dulot ng kaunlaran at makabagong teknolohiya. Noong wala pa sa hinagap ko na pwede rin palang maging parang sumpa ang ulan sa ilang buhay… (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

381

Related posts

Leave a Comment