ULO NG OFW SA RIYADH NAPAPANOT DAHIL SA PAGSABUNOT NG AMO (part 2)

NITONG nakaraang Lunes ay aking inilabas ang kaawa-awang kalagayan ng isang OFW sa Riyadh Saudi Arabia na napapanot na ang ulo dahil diumano, siya ay laging sinasabunutan.

Ang kasong ito ni OFW Norhanie Maulana Gani ay aking agad na ipinadala sa opisina ni Secretary Bebot Bello at POEA Administrator Bernard Olalia.

Mabilis naman tumugon ang POEA at ipinarating sa inyong lingkod na ito ay kanila nang ­ipinarating sa POEA Repatriation Unit. Gayundin ang ating OWWA Welfare Officer ay nagpadala na rin ng mensahe o update na kung saan ay sinabi nito na kanila ng tinawagan ang ahensya para ­dalhin sa madaling panahon si OFW Gani sa opisina ng POLO .

Habang ang AKOOFW ay nakikipag-ugnayan sa mga nasabing opisina atin din naman ikinonsulta sa mga kaibigang duktor ang posibleng dahilan ng pagkapanot ng ulo ni OFW Norhanie Gani. Ayon sa aking kaibigan na duktor ay sinabi nito na ang pagkapanot ng ulo ni OFW Norahanie ay mas malamang na dahil sa sakit na ALOPECIA .

Ito ay isang kondisyon na kung saan ang mga buhok sa ilan parte ng ulo ay unti-unting nawawala. Maaring ito ay may kinalaman sa immune system na umaatake sa mga hair follicles o ugat ng buhok na nagiging sanhi ng pagkapanot.

Posible nga na ito ang tala­gang dahilan dahil hindi naman nakakitaan ng mapupula o nagsugat na parte ng kanyang anit na dahilan ng pwersahang pagkakahila o pagbunot ng buhok. Gayunpaman, sinasabi sa aking natanggap na sumbong na siya ay sinasabunutan at hindi binibigyan ng maayos na pagkain at kakulangan ng tulog.

Ang AKOOFW ay patuloy na nanawagan sa POEA Repatriation Unit at sa Licensing Division nito upang papanagutin pa rin ang kanyang ahensya na patuloy na nagpapabaya sa pag-monitor ng kalagayan ng kanilang ­dinideploy na workers.

Sa pinakahuling sumbong na ipinadala sa akin ni OFW ­Norhanie, ay sinabi nito na siya ay ibinalik na ng kanyang malupit na employer sa ahensya. Ngunit ang nasabing ahensya ay hindi naman ang kanyang tunay na ahensya at sinabing siya ay ibinenta ng employer sa naturang ahensya.

Ang masaklap pa nito, isinumbong ni OFW Norhanie na siya ay agad na pinagbuhatan ng kamay ng bagong ahensya na pinagdalhan sa kanya. Ang nasabing ahensya ay pinangalanan na Amaal Najd Office . Labis –labis ang pakiusap ni OFW Norhanie na siya ay masaklolohan bago pa siya muling ibenta ng nasabing ahensya sa iba na naman employer.

Marahil ay napapanahon na para tuluyang papanagutin ang Mayon International Trading Corporation dahil sa pagkukulang nito na i-monitor at bigyan ng kaukulang tulong si OFW Norhanie na kanilang ipinadala sa Saudi Arabia noong February 21, 2018.

Hindi tatantanan ng AKOOFW ang isyung ito hangga’t hindi nasisiguro ang kaligtasan ng kahabag-habag na OFW na si Norhanie Gani.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o ­drchieumandap@yahoo.com.

82

Related posts

Leave a Comment