VELASCO TAHIMIK SA GULO NG ‘KANYANG’ MAYORYA

0

NAGDUDUDA na ako sa katahimikan ni Speaker Lord Allan Jay Velasco hinggil sa nangyayaring kaguluhan sa ‘kanyang’ ­mayorya na nagluklok sa kanya sa pinakamataas na posisyon sa Kamara de Representantes kapalit ni Taguig – Pateros ­Representative Alan Peter ­Cayetano.

Nababasa ko ang mga i­storyang lumalabas dito sa SAKSI Ngayon tungkol sa sunud-sunod na pagtanggal sa posisyon ng pangkat ni Velasco sa mga kaalyado at tagasuporta ni Cayetano.

Ipinalit ng pangkat ang mga sumuporta kay Velasco tulad nina Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, Buhay party-list Rep. Jose “Lito” Atienza at Las Piñas Rep. Camille Villar bilang deputy speakers.

Ipinalit sila sa mga kaalyado ni Cayetano na sina Capiz Rep. Fredenil Castro, Laguna Rep. Dan Fernandez at Batangas Rep. Raneo Abu.

Tinanggihan ni Villar ang alok ni Velasco na mukhang ang malinaw na mensahe ni Villar ay ayaw niyang dumikit nang husto sa magulo at walang solidong pagkakaisa sa mayorya ni Velasco.

Ang gulo, o ang binansagang “silent war” sa mayorya ni Velasco ay hindi inimbento ng media.

Nabunyag ang warat na ­mayorya sa mismong pagdiriwang ng kaarawan ni Velasco noong ­Nobyembre 10.

Tinalakay ko na ito rito sa Badilla Ngayon noong Nobyembre 24.

Nakakapagtaka namang hindi nagpaliwanag si Velasco, samantalang noong kasagsagan ng kanyang pakikipaglaban para makuha ang posisyon ng pagiging speaker mula kay Cayetano ay madalas siyang magbigay ng pahayag sa media.

Sa totoo lang, napakahalaga na ipaliwanag ni Velasco sa ­publiko kung bakit niya inilagay ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Representative Paolo Duterte sa Accounts Committee, samantalang hindi naman ito bumoto sa kanya sa pagiging speaker.

Ang isyu tungkol sa pagkakaroon ng napakagandang posisyon ni Rep. Duterte ay siyang tinumbok ni AAMBIS-OWA party-list Rep. Sharon Garin laban sa bagitong kongresista.

Napikon si Duterte sa tabas ng dila ni Garin, kaya nagkagulo.

Ang isa sa mga umawat ay si Maguindanao Rep. Esmmael “Toto” Mangudadatu.

Bumoto si Garin kay Velasco, ngunit hindi ito naging chairperson ng Ways and Means Committee.

Hindi itinanggi ni Duterte ang banggaan nila ni Garin.

Sa halip, inihayag niya sa viber group ng mga kongresista kinabukasan (Nobyembre 11) na “lalayo”, o “didistansya” siya sa mayorya.

Sinabi rin ni Duterte na “maraming Salamat po sa opportunity, trabaho lang po walang personalan. Sorry to say but I have to distance myself na po pati sa ruling majority ng HOR (House of Representatives), pinahiya at naquestion na po loyalty ko. Sa bunganga po ni Cong. Mangudadatu at Congw. Sharon Garin mababalitaan n’yo po ‘yan mamaya agad. So, pinili ko na po to properly habang may mukha pa akong maharap sa inyo wait and see na lang po Monday”.

Inamin din niya na nagkaroon ng gulo sa pagdiriwang ng kaarawan ni Velasco, ngunit ­humingi na siya ng tawad sa bagong speaker.

Mahalaga ang pahayag ni Garin kay Duterte dahil ang punto ay “loyalty” ang pinag-uusapan, o ang pagiging totoong kakampi, ni Duterte kay Velasco.

Si Duterte ay hindi bumoto kay Velasco nang magkaroon ng halalan para sa pagiging speaker dahil ang katwiran ng bagitong kongresista ay malapit na kaibigan niya sina Velasco at dating Speaker Cayetano.

Ngunit, kahit iyan ang tindig ni Duterte ay naging pinuno ito ng Accounts Committee.

Ang kontrobersiyal pa sa desisyon ni Velasco ay isa sa mga unang binigyan ng posisyon si Duterte kaysa ang mga tunay na aktibo, kumilos at inilaban ang kanyang ambisyong maging speaker ng Kamara.

Kaya, hindi ako magtataka kung diretsahang tirada ni Garin kay Duterte.

Ang impormasyong galing sa Kamara ay pinangakuan ni Velasco ang mga kakamping mambabatas na bibigyan ng posisyon kapag nakuha niya ang trono mula kay Cayetano.

Isa si Garin sa pinangukuan, ngunit hindi naibigay sa kanya ang chairmanship ng Ways and Means Committee dahil hawak ito ni Albay Rep. Joey Salceda.

Ayon sa impormasyong nakuha ko, gagawin sanang deputy speaker si Garin, ngunit tinanggihan niya ito dahil higit na makapangyarihan ang Ways and Means Committee.

Hindi kaya ang dahilan ng pananahimik ni Speaker Veasco ay dahil nagpopokus siya sa pagtitiyak na siya pa rin ang speaker ng Kamara de Representantes?

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment