WAG NANG PATAGALIN PA ANG BAGONG ANTI-CHILD PORNOGRAPHY LAW

HINIHIMOK natin ang Kongreso na agarang talakayin at maipasa ang panukala na ating inihain na naglalayong palakasin ang Anti-Child ­Pornography Act of 2009 (Republic Act 9775) sa gitna ng mga ulat na ang mga estudyante ay nagbebenta ng kanilang ­senswal na mga larawan at video para kumita lamang ng pera upang ­ipambili ng gadgets para makasabay sa isinasagawang distance ­learning sa kasalukuyan.

Ito ang pakiusap ng National Bureau of Investigation at Office of Cybercrime ng Department of Justice kamakailan para mas paigtingin nila ang pagsisikap na masugpo ang online human trafficking.

Kailangan nating maglatag ng mga hakbang upang ating maprotektahan ang mga bata — kahit na mismo sa kanilang kapwa-bata.

Kailangang kumilos tayo upang ang mga bata ay hindi mapilit na gumawa ng kahalayan o mapariwara dahil lang sa kanilang mga pangangailangan.

Ang inyong lingkod ang may-akda ng House Bill No. 7633 o Anti-Sexual Abuse and Exploitation of Children Act of 2020, para amyendahan ang Section 9 ng RA 9775.

Ang panukalang ito ay inihain natin kasunod ng inilabas na ulat ng DOJ na nagsisiwalat na hindi inaasahang pagtaas ng mga kaso ng online child sex abuse sa panahong ipinatutupad sa bansa ang COVID-19 community quarantines.

Gamit ang datos mula sa U.S.-based National Center for Missing and ­Exploited Children, isiniwalat ng DOJ na 279,166 na mga kaso ng online child sex abuse ang naitala sa Pilipinas mula Marso 1 hanggang Mayo 24, 2020, kumpara sa 76,561 na mga kaso sa parehong panahon ng 2019. Napakalaki ng numerong ito na katumbas ng 264.63 percent na pagtaas, o mahigit sa 202,605 na karagdagang insidente ng nasabing kaso.

Alinsunod sa Section 9 ng RA 9775, ­pinapahintulutan ang mga internet service providers na mag-install ng software na maaaring hadlangan ang access at transmittal ng pornograpiya ng mga bata at kailangan na isumbong ito sa mga awtoridad sa loob ng pitong araw nang pagkatuklas ng anumang internet address na maaaring naglalaman ng child pornography.

Gayunpaman, ang parehong probisyon ay nagsasaad din na hindi nabanggit sa seksyong ito na maaaring hingin ang ISP upang magagamit sa pagsubaybay sa sinumang gumagamit, subscriber o customer o content ng anumang komunikasyon ng sinumang naturang tao, na binabanggit ng mga ­telecom operators na ­naging sagabal sa kanila para gumawa ng aksyon, sa partikular na pagmamanman at pag-block sa mga child ­pornography websites.

Kung maipasa ang ­ating panukalang batas, ang unang dalawang talata ng Section 9 ay sususugan upang baguhin ang mga probisyong nakapaloob dito.

Binibigyan din nito ng pangil ang ating mga awtoridad sa tulong ng mga Information and Communication Technology Service Providers (ICTSP) para tuluyang masupil ang lahat ng uri ng child pornography.

Iminungkahi din ng panukalang batas na ang mga foreign nationals na gumagawa ng anumang sex-related offenses ay pagbabawalang makapasok sa Pilipinas.

Hinihikayat din natin ang Department of Education na magpatupad ng mas mabisang paraan na makakaya ng mga bata ang mga pangangailangan para sa distance learning.

Hindi dapat ang mga bata ang siyang maghahanap ng ­paraan kung paano makahabol sa distance learning.

Tayong nasa pamahalaan ang dapat na ­namomroblema at ­gumagawa ng solusyon kung paano nila maipagpapatuloy ang kanilang pag-aaral.

121

Related posts

Leave a Comment