WALA NANG REKLAMO SA TRAPIK AH

DPA

MUKHANG sanay na sanay na tayo sa problema sa trapik sa Metro Manila dahil halos wala nang pumapansin simula nang matapos ang holiday season at wala nang nagrereklamo.

Parang tanggap na tanggap na ng ating mga kababayan ang problemang ito dahil kahit magreklamo sila nang magreklamo ay wala naman silang magagawa at wala din namang aksyon mula sa gobyerno.

Marahil ay napagod  na rin ang mamamayan sa karereklamo kaya tinatanggap na lamang nila ang problema. Nag-aadjust na lamang sila ng oras para hindi sila ma-late sa kanilang pupuntahan. At iyan ang pinakamasakit sa tax pa­yers.

Hindi porke’t hindi na ­nagrereklamo ang mamamayan ay titigil na ang pamahalaan sa paghanap ng solusyon. Hindi sila dapat tumigil sapagkat tungkulin nilang bigyan tayo ng maayos na buhay kapalit ng ating buwis.
Saka lang kasi kumikilos ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno kapag nag-iingay ang mga tao na bayad nang bayad sila ng buwis pero ang hindi nasusuklian nang maayos na serbisyo.

Lagi na lang nating na­ririnig sa kanila na maayos ang daloy ng trapiko kapag tumakbo na ang mga transport system natin pero kailan pa magagawa ang mga ito?  Kailan?!!!

Itong MRT-7, marami ang nababagalan. Ang tagal gawin! Mas maraming oras na wala kang nakikitang nagtatrabaho kaya papaano matatapos  nang maaga? Hindi ba puwede ang 24 oras na trabaho na may tatlong shift?
Hindi pa rin matapos-tapos ang skyway na magdudugtong sa North Luzon Expressway at South Luzon Expressway na malaking tulong sana para mapaluwag ang mga kalsada sa Metro Manila.

Matatapos na ang gob­yernong Duterte pero hindi pa nasisimulan ang subway na magpapaalala sana sa admi­nistrasyong ito habambuhay at yung tren na mula sa Tububan sa Maynila hanggang Pampanga ay wala na ring balita.

Hindi pa puwedeng kalampagin ng gobyerno ang mga kontraktor ng mga proyektong ito para bilisan ang kanilang trabaho? Hindi naman si­guro mababawasan ang kita ng mga kontraktor na ito kung maagang matapos ang proyekto nila.

Baka mas makakatipid pa sila kapag maaga nilang matapos ang proyektong ginagawa nila dahil iiksi ang trabaho ng kanilang mga trabahador.

May problema ba sila sa koleksyon sa gobyerno?  Karaniwan kasi, bumabagal ang trabaho kapag hindi nakakabayad ang gobyerno pero wala na tayong pakialam doon basta kailangan matapos ang mga proyektong ito dahil babayaran at babayaran pa rin naman sila.

Maawa naman sana ang gobyerno at ang mga kontraktor na ito sa mamamayan na labis nang nahihirapan at nasasakripisyo na ang kanilang ‘golden time’ sa kanilang pamilya.

70

Related posts

Leave a Comment