WALANG BAGO SA ANTI-TERROR BILL BADILLA NGAYON

Badilla Ngayon

ANG totoo, noong Pebrero ng kasalukuyang taon pa ipinasa ng Senado ang panukalang batas kontra – terorismo.

Ito ang Senate Bill No. 1083 na ang layunin ay amyendahan ang Republic Act No. 9372 o Home Security Act of 2007.

Mayroon din naman sariling bersiyon ang Kamara de Representantes na House Bill No. 6875.

Matapos ipasa ng Senado sa botong 19 – 2 ang S.B. 1083, hindi naging paksa sa media at sa pampublikong opinyon ang nasabing panukalang batas.

Nang lumabas sa media ang laman ng panukalang Anti-Terror Bill, mabilis na aksyon ng Kamara makaraang nagpadala ng opisyal na sulat si Pangulong Rodrigo Duterte kay Speaker Alan Peter Cayetano na nagsertipika sa H.B. 6875 bilang “urgent” na panukalang batas ay biglang naging ‘mainit’ na isyu ang naturang panukalang batas.

Kaliwa’t kanan na ang mga organisasyong naglabas ng kanilang solidong pagtutol sa Anti-Terror Bill.

Ang mga kakilala kong progresibo’t aktibista ay inilalabas na ang kanilang panawagan laban sa mungkahing Anti-Terror Act.

Kumbinsido silang lahat na kapag naging ganap na batas ang naturang panukala ay aabusuhin ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensiya ng pamahalaan ang kanilang kapangyarihan upang sikilin at tanggalan ng karapatang pantao ang mamamayang Filipino.

Maaari nilang hulihin at ikulong ng labing-apat na araw ang mga taong pinagdududahan o inakusahang terorista nang walang sinasampang kaukulang kaso sa piskalya o korte.

Puwede ring hulihin ng mga awtoridad ang nagsasagawa ng kilos-protesta o pagtitipon ang sinumang tao dahil ‘nagugulo’ o ‘nagagambala’ ang mga tinatawag ng mga opisyal ng pamahalaan at politiko na “critical infrastructure” tulad ng media, radyo, telebisyon, sistemang komunikasyon ng bansa at transportasyon.

Ang matindi, pagkatapos n’yan ay hindi kailangan kasuhan ang mga opisyal at tauhan ng AFP, PNP, NBI at ibang tanggapan pa na nanghuli at nagpakulong sa mga kritikial na mamamayang Filipino, alinsunod sa itinakda at ipinag-utos ng magiging Anti-Terror Act.

Ang pananaw ko sa isyung ito ay walang bago sa mungkahing kontra-terorismong batas.

Napakaraming batas sa ating bansa na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga awtoridad na umabuso at lantaran kung walanghiyain ang mamamayang Filipino.

Halimbawa, ayon sa Bayanihan to Heal as One Act, mayroong nakahiwalay na bilyun-bilyong pondo mula sa P275 bilyon na pambili ng mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing kits at personnel protective equipment (PPE) subalit ang binili ng Department of Health (DOH) ay iyong ‘overpriced’ o napakamahal na presyo ng testing kits at PPE na hindi naman nakasaad sa Bayanihan Act.

Nang ipinatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon ay bawal ang lumabas sa bahay, kailangang pairalin ang social distancing at marami pang iba.

May mga opisyal ng PNP, nang ipatupad ang batas, na namalo ng mga taong lumabag sa mga alituntunin ng ECQ at ibinibilad sa araw ang hindi sumunod sa social distancing, samantalang wala namang ganitong nakalagay sa Bayanihan to Heal as One Act at walang ganyang mga ipinapagawang alituntunin at gabay sa ECQ.

Gamit ang kapangyarihang maglabas ng subpoena, ipinatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang maraming tao na bumatikos kay Pangulong Duterte kasama na ang nagsabing papatayin si Duterte, nagkalat ng umano’y “fake news” sa social media at iba pa.

Ang iba sa kanila ay ipinatawag ng NBI upang magpaliwanag at maglinaw sa binabanggit na “krimen”, ngunit nakaposas na ang “suspek”.

Kaya, hindi lang dapat ang panukalang batas laban sa terorismo ang batikusin, kundi ang pamahalaan dahil sa mga pag-abuso ng mga opisyal at tauhan nito at ang mismong kapitalistang sistema ng bansa, sapagkat ang dalawang huli ang totoong mga kriminal at pusakal.

Related posts

Leave a Comment