WALANG DELICADEZA

SA TOTOO LANG

Mukhang walang maipakitang takot, respeto, hiya o kahit delicadeza itong bansang Canada sa Pilipinas.

Nagbigay na ng ultimatum noon si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa tone-toneladang mga basurang ipinadala ng Canada sa bansa.

Nagbaba ng May 15 deadline ang pangulo na kung hindi nila kukunin ang santambak na mga basurang ito ay magdedeklara ng giyera ang ating presidente.

Tapos na ang halalan at ang basurang iyan ay nasa poder pa rin ng Pilipinas. Tuloy, pinababalik na lamang sa bansa ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang ating Philippine ambassador and consuls to Canada.

Isang maunlad, mayaman, at hindi hamak na mas malinis at mas organisado ang Canada kumpara sa atin. Pero sa simpleng basurang itinambak nila sa atin na para bang ginawa tayong basurahan ay hindi na kinapitan ng hiya ang pamahalaan ng Canada.

Noong Mayo 15 pa nang magbigay ng deadline si Pangulong Duterte sa naturang bansa para hakutin nila ang ipinasok nilang basura sa atin. Imposibleng hindi nakaabot sa Canada ang panawagang ito.

Taong 2013 at 2014 pa nakarating sa Pilipinas ang mahigit sa 100 containers na naglalaman ng basurang nagkamali diumano ng pasok sa atin mula sa Canada. May pagsasabi pa nga o marka sa mga basura na ito ay mga “recyclable scrap” ngunit nang masiyasat ay naglalaman ito ng adult diapers, household garbage, plastic bags at iba pang uri ng mga basura. Alin sa mga iyan ang recyclables?

Noong mga nakaraang taon pa ay nangako na ang naturang mayamang bansa na gagawan nila ng paraan ang malaking isyung ito. At kamakailan ay muli silang nangako sa isang emailed statement noong Mayo 8 at nagwikang nanatiling committed sila sa kanilang sinabi na kukunin nila ang mga basurang ito “as quickly as possible”. Aba’y anong petsa na?

Maliit lamang ang Pilipinas pero hindi naman yata katanggap-tanggap na basta na lamang tayong mamaliitin ng mga dayuhan.

Parang lumalabas na wala silang palabra de honor. Sadyang walang delicadeza at biktima tayo ng umaali­ngasaw nilang pag-uugali. Sadyang nakakagalit. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment