WALANG KREDIBILIDAD ANG NANGYARING HALALAN

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Sa palagay ng Makaba­yang Koalisyon ng Ma­mamayan o MAKABAYAN, bukbok ang kredibilidad sa kondukta at resulta ng nagdaang halalan ngayong Mayo 2019.

Mula kampanya hanggang bilangan, tadtad ito ng mga isyu ng iregularidad, pandaraya, at iba pang electoral offenses na bumakbak sa tiwala ng taumbayan sa naging resulta ng eleksyon. Halimbawa na lamang dito ang pagkaantala ng pagpapaalam sa publiko ng resulta ng halalan sa senatoryal at party-list, at ang kawalan ng transparency sa buong kondukta ng halalan. Ang pinakaesensya ng automated na botohan ay ang bilis nito at transparency. Ngunit, sa nangyayari ay tila bulag ang lahat sa ginagawang bilangan.

Sa mga nakaraang manwal na eleksyon, ang dag­dag-bawas ay ginagawa habang tumatagal ang canvassing at hindi alam ng taumbayan kung gaano katotoo ang ginagawang pagbibilang ng kanilang boto. Ito ang dapat nawala nang tayo ay nag-automate ng ating eleksyon. Sa kabila ng 10 bilyong pondo na binigay sa Comelec, bigo sila na bigyan tayo ng malinis, transparent, at kapani-paniwalang halalan. Walang maayos na paliwanag ang Comelec sa matagal na pagkaantala ng canvassing at ng transparency server.

Dapat lamang na kwestyunin ng taumbayan ang resulta ng eleksyon na mahigit pitong oras na tumigil, na ang suspetsa ng marami ay dito ginawa ang electronic na dagdag-bawas.

Mula sa .4% na bilang, na doon pa lamang ay lumabas na ang malaking lamang ng mga kandidato ng administrasyon, at biglang umakyat sa 90% ang completion ng transmission ng mga boto, na walang nagbago sa mga pangalan at antas ng mga pasok sa “winning circle.”

Ang pangyayaring ito, kasama na ang malawakang vote buying, depekto sa SD cards, pagkasira ng mga vote counting machines, kalituhan sa mga polling places, at iba pang iregularidad ang sumisira sa kredibilidad ng nagdaang eleksyon.

Kailangang magpaliwanag ng Comelec at Smartmatic sa mga isyung ito. Kung hindi, patuloy na magdududa ang taumbayan sa kinalabasan ng halalan. (Kakampi Mo Ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment