WALANG KWENTA

AYON mismo sa Palasyo, higit na kailangang makabangon ang ekonomiya. ‘Yan mismo ang basehan ng pamahalaan sa pagluluwag ng mga alert status ng iba’t ibang rehiyon sa gitna nang patuloy na pagbaba ng mga kumpirmadong kaso.

Bahagi ng pagbangon ayon sa Malakanyang, ay ang pagbubukas ng negosyo para makalikha ng trabaho. Subalit taliwas sa ­intensyon ng gobyerno, may sariling polisiya ang ilang kumpanya sa pagtanggap ng mga aplikante sa trabaho.

Tablado pag ‘di bakunado.

Walang masama sa hangaring gawing ligtas ang lugar ng trabaho, pero hindi wastong pagkaitan ang mga nais mamuhay nang parehas at kumita sa pagod at pawis ng mga obrerong nadiskaril sa gitna ng pandemonyo!

Sa isang tugon sa pahayag ng mga bigating negosyante, nangusap ang sugo ng Pangulo. Sa halip na paalalahanan, tila kinunsinti pa ni Sec. Carlito Galvez ang polisiyang ‘di makatao.

Aniya, walang diskriminasyon kung ayaw ng kumpanyang tanggapin ang mga hindi pa ganap na bakunado.

Dagdag pa ng retiradong heneral na itinalagang mangasiwa sa aspetong kalusugan, karapatan ng mga kapitalistang mamili ng kanilang tatanggapin o sisipain sa trabaho.

Narito ang eksaktong konteksto na pahayag ng Sekretaryo – “It is the prerogative of companies to hire, train, promote and fire employees”.
Malinaw ang kanyang sinabi – pati pagsibak ng mga ‘di bakunadong empleyado, pasok sa polisiya ng gobyerno.

Kung tutuusin, malayo ang tugon ni Galvez sa panawagan ng mga kapitalista. Ang tanging hiling nila – insentibo – libreng swab test lang sa kanilang mga empleyado, bagay na ipinagkait pa ng magaling na Sekretaryo.

Ani Galvez, lingguhan dapat ang swab test ng mga empleyado. At take note, KKB (kanya-kanyang bayad) dahil wala na raw pera ang gobyerno.

Aniya, walang diskriminasyon sa polisiya ng gobyerno. Tungkulin aniya ng mga ­kumpanyang protektahan ang interes ng kapitalista.
Sa madaling salita, walang kwenta!

182

Related posts

Leave a Comment