WALANG PORK

FOR THE FLAG

BONGANG-BONGGA ang pasok ng taong 2020 sa a­ting bansa dahil sa wakas, unang linggo pa lang ng E­nero ay ganap ng isang batas ang 2020 General Appropriations Act na nagkakahalaga ng P4.1 Trilyon na buong-buong pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang budget at walang na-veto kahit isang kusing.

Malayong-malayo ito sa nangyari noong nakaraang taon kung saan kalagitnaan na  ng Abril napirmahan ni PRRD ang 2019 pambansang badyet at may na-veto pang – ‘insertions’ na umaabot sa P95.3 bilyon. Ang super delay na budget ng 2019 ay naging dahilan nang pagbaba ng halos 2 porsiyento sa Gross National Product o GDP ng bansa at maraming proyekto at serbisyong bayan ang naapektuhan.

Kung susumahin, walang ‘pork’ at ‘parked funds’ ang 2020 National Budget gaya ng sinasabi noon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson dahil nungka na pipirmahan ito ng pangulo kung mayroon siyang nakitang mali at kwes­tyunable sa badyet. Alam naman natin na Disyembre pa naratipikahan ng Kongreso at Senado ang badyet at inasahan na lalagdaan ni PRRD bago matapos ang 2019 pero nirebisa binasa, binusisi at pinag-aralan pa ng presidente ang mga probisyon nito para makasiguro na tutugon sa mga programa ng gobyerno ang pagkalatag ng badyet lalo na sa mga proyekto para sa edukasyon, social services at imprastraktura.

Kung ganoon, napahiya si Sen. Lacson sa pagpipilit na may pork ang 2020 National Budget dahil alam naman natin na galit at walang amor sa ‘taba’ ng badyet ang pangulo. Sa ngayon, ­makakahinga ng maluwag ang ating pamahalaan na maipatupad ang mga programa para sa sambayanang Pilipino dahil sa on-time na pagiging batas ng pambansang badyet.

Palakpakan naman natin at tapikin sa balikat kahit paano ang ating mga mambabatas kabilang na ang mga senador lalo na ang Kamara sa pamumuno ni Speaker Alan Cayetano na siyang may ‘power of the purse’ dahil sa mga record-breaking na mga kaganapan sa Kamara pati na ang paghataw ng survey ra­tings ng lider nito na ngayon.lang nangyari sa kasaysayan ng kamara. Biruin nyo  naman, nasanay na tayo sa mga kontrobersiya na ­nangyari noon sa kamara pero ­ngayon ay nakakakita tayo ng ­pagbabago dahil na rin sa pagkakaisa ng mga kasapi ng mababang kapulungan.

Kumbaga, seryoso ang kamara na ipatupad ang hangarin ng pangulo na ligtas at komportableng pamumuhay para sa mga Pilipino. Alam naman natin na sa gitna ng politika at iba’t-ibang paniniwala at prinsipyo, hindi madali na magkaisa pero kung tutuusin kayang-kayang magtulungan para sa ikabubuti ng taumbayan.

Palakpakan para sa mas maunlad pang 2020 at bagong dekada para sa ating bayan. (FOR THE FLAG /  Ed Cordevilla)

Related posts

Leave a Comment