‘YAN ANG PROBLEMA NG MAGSASAKA

0

ANG isa sa ginagawang mga propaganda ng mga kandidato kapag panahon ng kampanya ay paunlarin ang sektor ng pagsasaka kaya sa mga nakaraang halalan, may mga senatorial candidate na kinukunan ng video sa bukid para sa kanilang TV Commercials.

‘Yung mga magsasaka naman ay nadadala sa kanilang propaganda lalo na’t kailangan na kailangan nila ang tulong mula sa national government para umangat naman ang kanilang kalagayan.

Pero kapag nanalo na ang mga kandidatong ibinoto ng mga magsasaka ay hindi na sila maaalala at matatapos na ang termino nila ay wala pa ring nangyayari sa sektor ng pagsasaka sa ating bansa.

Kanya-kanyang diskarte na lang ang mga magsasaka para makapagtanim dahil hindi naman talaga nila ramdam ang national government kahit bilyon-bilyon ang inilalaang pondo sa sektor na ito kada taon.

Kumakapit sila sa mga middleman para makapagtanim, maabonohan at mai­spreyan ng pesticide ang kanilang tanim na ang kapalit ay ibenta sa inutangan ang kanilang ani at ibabawas na dun ang kanilang utang kasama na ang tubo.

Ginagawa ito ng mga magsasaka lalo na ‘yung mga walang puhunan dahil wala naman talagang tulong ang national government sa kanila, sa totoo lang.

Kung may dumating man na tulong at tuwing nasasalanta ng kalamidad ay idinadaan pa ‘yun sa local officials at ‘yung local officials, mga tauhan at supporters lang nila ang nakikinabang at hindi ‘yung talagang mahihirap na walang puhunan sa pagtatanim.

Kapag panahon naman ng anihan, napipilitan ang mga magsasaka na ibenta ang bagong aning palay sa mga middleman dahil walang post harvest facilities kung saan puwede sana nilang patuyuin ang kanilang ani.

Siyempre dahil ibinebenta nang fresh o hindi pa natutuyo ang ani, binabarat ng mga middleman ang kanilang ani kaya kung kumita man ang mga magsasaka ay kakarampot lang at hindi sapat sa kanilang gastusin hanggang sa dumating ang susunod na anihan.

Madalas din na minamalas ang mga magsasaka lalo na’t regular na nagkakaroon ng bagyo sa panahon ng anihan o Ber months kaya karaniwang nasisira ang kanilang pananim.

Isa o dalawang linggo na lang aanihin na ang kanilang tanim pero wawasakin lang ng bagyo kaya ‘yung inaasahan nilang pambayad sa kanilang utang at kahit papaano ay magkaroon sila ng panggastos, maglalaho pa.

May mga magsasaka naman ang nakapag-ani na pero inabutan ng bagyo kaya nabubulok na lang ang kanilang ani lalo na kung tatlong araw nang hindi naibi­bilad ang kanilang produkto lalo na ang mais.

Ramdam ko ang bigat sa loob ng mga magsasaka sa Baggao, Cagayan dahil sa pagkasira ng kanilang aning mais na inabutan ng baha nang manalasa ang bagyong si Maring sa Norte.

Kung baga, pera na, naging bato pa kaya ramdam na ramdam ko ang sakit na nararamdaman nila dahil laki ako sa probinsya kung saan ang pangunahing hanapbuhay ay pagsasaka.

Tinagurian tayong agricultural country pero kulang na kulang ang tulong ng gobyerno sa mga magsasaka. Ang mga pangakong modernisasyon sa agriculture sector ay hindi pa rin nangyayari. Naiwasan ­sanang masira ang mga ­aning mais at palay kung moderno na ang pagsasaka sa ating bansa.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment