4 miyembro ng pamilya pinalo sa ulo SUSPEK HULI SA BACOLOD MASSACRE

BACOLOD CITY– Hawak na ng pulisya ang ‘person of interest’ sa pagpatay sa apat na katao, kabilang ang isang 6-anyos na batang babae, na natagpuang nasa early state of decomposition na, noong Miyerkoles ng umaga sa Gardenville Subdivision, Barangay Tangub ng nabanggit na siyudad.

Kinilala ng Bacolod City PNP Station 8 ang mga biktimang pinaslang na sina Jocelyn Nombre, 60; Gemma Espinosa, 68; Michael Espinosa, 30, at ang 6-anyos na si Precious Espinosa.

Itinatanggi naman ng suspek na kinilalang si Christian “Don-don” Tulot, kamag-anak ng mga biktima mula sa lalawigan ng Iloilo, sinasabing ilang ulit na bumisita sa bahay ng mga biktima bago ang insidente, na may kinalaman siya sa krimen.

Ngunit napag-alamang nahulihan ito ng isang sachet ng shabu at aminadong gumagamit ng ilegal na droga matapos isalang sa imbestigasyon makaraang damputin sa Barangay Bunga, Don Salvador Benedicto, Negros Occidental.

Una rito, naki-usap si Jonel Nombre sa kanyang mga kapatid sa Barangay Banago, Bacolod City na bisitahin ang kanilang bahay sa Block 2, Lot 18, Gardenville Subdivision dahil tatlong araw nang hindi makontak ang cellphone ng kanyang live-in partner na si Jocelyn Nombre.

Pagdating ng mga kapatid sa bahay nina Nombre, tumambad sa mga ito ang bangkay nina Jocelyn, kapatid na si Gemma Espinosa, pamangkin na si Michael at anak ni Michael na si Precious.

Ayon kay P/Major Joery Puerto, station commander ng Bacolod Police Station 8, ang bangkay nina Jocelyn at Michael ay nakabalot sa kumot at kinaladkad palabas ng bahay. Habang ginupitan pa ang buhok ni Jocelyn.

Ang bangkay naman ni Gemma ay natagpuan sa maliit na kubo sa tabi ng bahay habang ang bangkay ng batang babae ay nakahandusay sa sofa sa loob ng bahay.

Ayon sa hepe ng pulisya, hinampas sa ulo ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang pagkamatay na pinaniniwalaang isinagawa ilang araw na ang nakararaan bago natagpuan noong Miyerkoles ng umaga.

Ang live-in partner na si Jonel Nombre ay nagtratrabaho sa inter-island na barko samantalang ang misis naman ni Michael ay nagtratrabaho sa Saudi Arabia.

Samantala, ipinag-utos ni Police Brigadier General Rolando Miranda kay BCPO director P/Colonel Manuel Placido na siyasating mabuti at resolbahin ang kaso sa lalong madaling panahon.

“Dapat managot ang sinumang may kagagawan ng karumal-dumal na krimen na ito,” ani Miranda. (JESSE KABEL)

74

Related posts

Leave a Comment