9 RIZAL TOWNS INAYUDAHAN NI CONG. NOGRALES

PATULOY sa pag-iikot sa mga lugar na sakop ng kanyang distrito sa lalawigan ng Rizal si Congressman Fidel Nograles upang mahatiran ng ayuda ang mga higit na nangangailangan.

Sa kabila ng banta ng COVID-19 ay hindi huminto si Rizal 2nd District Rep. Nograles sa pagtupad sa kanyang tungkulin at personal na pinupuntahan ang mga bayan sa kanyang nasasakupan bitbit ang ipamamahaging relief packs at cash.

Sa cellphone interview ng SAKSI Ngayon kay Nograles, isang Harvard-trained lawyer, sinabi niya na mas kailangan ngayon ng suporta ng kanyang mga kababayan dahil marami sa mga ito ang hindi makapagtrabaho ngayon kaugnay ng umiiral na modefied enhanced community quarantine.

Sa pag-iikot sa kanyang distrito, partikular na inayudahan ng mambabatas ang mga tsuper ng tricycle at traysikad na kanyang pinagkalooban ng tulong pinansyal.

Ang relief goods na hatid ni Nograles ay naglalaman ng bigas, sardinas, gatas, noodles at iba pang pagkain na madaling lutuin.

Sakop ng Rizal District 2 ang mga bayan ng Baras, Cardona, Jala-jala, Morong, Pililia, Rodriguez (Montalban), San Mateo, Tanay at Teresa.

Bagaman karamihan sa mga bayan na nabanggit ay bulubundukin, hindi ito inalintana ng mambabatas upang ikutin at mamahagi ng ayuda.

Sinabi pa ng kongresista na mas kailangan ngayon ng tulong mula sa gobyerno ng mga tao kaya hindi siya umano tumigil sa pag-iikot sa mga bayan na kanyang nasasakupan.

Binanggit pa ng mambabatas na hindi kakayanin kung iaasa lang sa national government ang tulong para sa taumbayan.

Kaya, hangga’t maaari ay gumagawa siya ng paraan para makatulong sa siyam na bayan na kanyang nasasakupan.

Samantala, tiniyak ni Nograles na sa kanyang pag-iikot kasama ang ilang tauhan ay tinitiyak nilang nasusunod ang social distancing upang makaiwas sa posibleng paghahawahan sakaling mayroong infected ng virus na nasa lugar.

Maging ang mga residente sa labas ng distrito ni Cong. Nograles ay nababahaginan ng ayuda tulad ng mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal sa Batangas kamakailan.

Pinuntahan mismo ni Cong. Nograles at nagdala ng isang truck na relief goods sa pinakamalalaking evacuation centers sa Binan, Laguna na pansamantalang tinuluyan ng libo katao mula sa iba’t ibang bayan sa Batangas na naapektuhan ng pagsabog ng bulkan. JOEL O. AMONGO

Related posts

Leave a Comment