BUY-BUST SA MADALING ARAW 2 NAPATAY, 26 NATIMBOG

drugs200

BULACAN – Dalawang hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga ang napatay ng mga operatiba ng Bulacan Police habang 26 iba pa ang naaresto sa magkakahiwalay na drug buy-bust sa lalawigang ito, nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, acting Bulacan Police Director, ang dalawang napatay na mga suspek na sina Arjohn Irena at Carlo Sison, kapwa nasa hustong gulang at nasa listahan ng Unified PNP/PDEA watch list.

Sa insiyal na imbestigasyon, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng San Jose del Monte City Police Station sa Brgy. Minuyan Proper.

Ngunit nakahalata ang dalawang suspek na ahente ng PNP ang kanilang katransaksyon sa bentahan ng ilegal na droga.

Bunsod nito, bumunot ng baril ang mga suspek at nakipagpalitan ng putok hanggang sa bumulagta silang walang buhay.

Samantala, 26 drug pusher ang naaresto ng Bulacan PNP sa magkakahiwalay na drug buy-bust operation sa bayan ng Balagtas, Bocaue, Pulilan, Baliwag, Sta. Maria, Bulakan, Norzagaray at sa siyudad ng Meycauayan at Malolos.

Nabawi sa mga suspek ang 54 plastic sachet ng umano’y shabu, buy-bust money at drug paraphernalia. (ELOISA SILVERIO/GINA BORLONGAN)

 

 

53

Related posts

Leave a Comment