SULU – Nasagip ng mga tauhan ng Philippine Army ang isang doctor na kidnap for ransom victim sa bayan ng Jolo sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi, ayon sa
ulat ni Army Spokesman Col. Ramon Zagala kahapon.
Sa ulat na ibinahagi ni Western Mindanao Command chief Cirilito Sobejana kay Army Commanding General Lt. Gen. Gilbert Gapay, nailigtas ng mga tauhan ng 11th Military Intelligence Battalion, sa pangunguna ng 1102nd Brigade, ang biktimang si Dr. Daniel Moreno sa kabundukang sakop ng Indanan, Sulu.
Bago natagpuan ang biktima ay napalaban muna ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police Intel Units sa mga kasapi ng Abu Sayyaf Group, sa ilalim ng pamumuno ni Mundi Sawadyaan, sa Barangay Bangalan, Indanan, Sulu.
Dahil sa tindi ng bakbakan at bumagal ang takbo ng biktima kaya napilitan ang mga bandido na siya ay iwanan. Ayon kay Gen. Sobejana, nasagip ng Philippine Army ang kidnap victim bago
nakapagbayad ang pamilya nito ng milyong halaga.
Agad itinakbo ng WESTMINCOM intel operatives ang biktima sa ospital upang isailalim sa pagsusuri at custodial debriefing ng mga tauhan ng Philippine Army.
Si Moreno ay dinukot ng apat na armadong kalalakihan sa kanyang klinica sa Barangay Walled City noong Pebrero 4, 2020. (JESSE KABEL)
68