Hindi nagpahiram ng lighter MAG-ASAWA DINOS-POR-DOS

CAVITE – Kapwa nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang mag-asawa makaraang hatawin ng dos-por-dos ng isang lasing na lalaki nang hindi magpahiram ng lighter ang mga biktima para masindihan ang sigarilyo ng suspek sa Bacoor City, sa lalawigang ito.

Nilalapatan ng lunas sa Las Piñas General Hospital ang mag-asawang sina Daniel Duzao at Jenny Duazo, ng Brgy. Molino 3, Bacoor City, dahil sa palo ng dos-por-dos sa ulo at balakang.

Arestado naman ang suspek na si Jonel Cahigas, ng nasabi ring lugar.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Albert Badocdoc ng Bacoor City Police, dakong alas-11:30 ng gabi noong Martes nang mangyari ang insidente nang lasing na pumasok ang suspek sa bahay ng mag-asawa para makisindi ng sigarilyo.

Ngunit tumangging ibigay ni Danilo ang hawak niyang lighter na ikinagalit ng suspek kaya umalis ito ngunit bumalik na armado ng dos-por-dos at kinompronta si Danilo hanggang sa hatawin ang huli sa baywang.

Tinangkang tulungan ang biktima ng kanyang asawa ngunit hinataw rin ito ng suspek sa ulo.

Agad namang nadakip ng nagrespondeng mga barangay tanod ang nasabing suspek. (SIGFRED ADSUARA)

67

Related posts

Leave a Comment