SARANGANI – Nasamsam ng mga tropa ng 73rd Infantry Battalion (IB) ang nakaimbak na mga armas ng New People’s Army (NPA) sa araw mismo ng kanilang ika-51 anibersaryo noong Linggo, Marso 29.
Sinabi ni Lieutenant Col. Ronaldo Valdez, 73rd IB commander, nadiskubre ang nakatagong mga armas sa Sitio Salyan, Brgy. Sapu Masla, Malapatan, Sarangani, sa tulong ni alyas Willie, isang dating miyembro ng komunistang grupong nag-o-operate sa lugar.
Ang nasabing imbakan ang pangalawang nadiskubre ng militar sa nakaraang linggo, na kinabibilangan ng isang kalibre 5.56 mm, M16 rifle, apat na magazines, at 82 bala.
Ayon kay Valdez, noong Marso 28, 2020, nadiskubre rin ng kanilang tropa ang isang imbakan ng armas sa Sitio Mahayag, Upper Suyan, sa nasabing lugar at nakuha ang isang 490 7.62mm ammunition.
Dagdag ng opisyal, malaking tulong sa kanilang operasyon ang ibinibigay na mga impormasyon ng mga dating NPA at nagpapatunay na seryoso ang mga ito na tumulong sa kampanya ng gobyerno na labanan ang insurhensiya sa bansa. (DONDON DINOY)