KASO NG COVID-19 SA BULACAN,165; 10 NAKAREKOBER

UMAKYAT na sa 165 ang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lalawigan ng Bulacan matapos makapagtala ng labing-tatlo na bagong kaso kabilang ang dalawang tatlong taong gulang na bata, ayon sa Bulacan Provincial Health Office (PHO).

Base sa pinakahuling datos na inilabas ng PHO nitong Biyernes ng hapon, labing-tatlo ang bagong tinamaan ng nasabing virus habang sampu naman ang nakarekober.

Tatlumpu naman ang kabuuang bilang ng mga nasawi habang animnapu’t walo na ang kabuuang nakarekober.

Ang bagong Covid cases ay kinabibilangan ng kapwa 3-taon gulang mula sa bayan ng Plaridel at Bulakan; isang 53-year old male mula sa Angat; 51-year old male mula sa Guiguinto; 30-year old male at 29-year old female kapwa mula sa City of San Jose Del Monte; isang 16-year old male mula sa San Rafael; 33-year old male mula sa Marilao; 36-year old male mula sa Meycauayan City; 69-year old male sa Baliuag; 37-year old male sa Hagonoy at 23-year old female mula naman sa Sta. Maria.

Nabatid kay Gob. Daniel Fernando na umabot naman sa 1,482 ang active suspects at 2 ang probable cases.

Ayon kay Fernando, tanging ang bayan ng Dona Remedios Trinidad (DRT) ang nananatiling Covid-free sa buong lalawigan ng Bulacan.

Nangunguna naman sa mayroong pinakamaraming kaso ang lungsod ng San Jose Del Monte na may 25 confirmed cases; Marilao town, 19 cases; City of Malolos, 18 cases; Baliuag, 16 cases habang kapwa tig-12 kaso naman ang bayan ng Sta. Maria at Bocaue.

Napag-alaman na mahigit 2,000 na ang pending test results at for swab testing sa probinsiya kaya posibleng tumaas pa ang bilang ng kaso kapag lumabas na ang mga resulta.

Patuloy na nananawagan si Fernando sa mga Bulakenyo na manatili sa kanilang tahanan kung wala rin lang importanteng lalakarin sa labas habang nananatili ang ilang lalawigan sa Gitnang Luzon sa modified enhanced community quarantine (MECQ). ELOISA SILVERIO

Related posts

Leave a Comment