MANGINGISDA PINATAY SA LAOT

PATAY ang isang mangingisda matapos pagsasaksakin ng kanyang kasamahan nang mauwi sa pagtatalo ang kanilang pag-uusap habang nasa laot, iniulat ngayong umaga sa General Santos City.

Arestado ang suspek na si Junnie Canillas, residente ng Brgy. Fatima, General Santos dahil sa pagpatay sa biktimang si Marlon Tenajeros, 48, residente ng Brgy. Calumpang, sa nasabi ring siyudad.

Batay sa report ng Regional Maritime Unit Region 12 (RMU-12), magkasamang pumalaot ang biktima at suspek sakay ng MV Atlantis nang bigla na lamang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan at nagtalo.

Dito, kumuha ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang biktima saka isinilid sa ice box hanggang sa makarating ang mga ito sa daungan.

Nasa kustodiya na ang suspek ng 1201st Maritime Police Station, General Santos at posibleng maharap sa kasong pagpatay. ANNIE PINEDA

Related posts

Leave a Comment