MARIPOSA HOTEL, IPINASARA

RIZAL – Tuluyang ipinasara ni Taytay Municipal Mayor Joric Gacula ang Mariposa Hotel na lantarang lumabag sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 dahil sa patuloy na operasyon sa kabila na ang kanilang bayan ay nasa ilalim ng general community quarantine.

Sa pangunguna nina Taytay Tourism Department head Rod Santos, Taytay Business Permit and License Officer Judith Ines, Taytay Police Chief, Major Rodel Ban-o, tinungo ang mga awtoridad noong Biyernes ang Mariposa Budget Hotel at ipinad-lock ang nasabing establisimiyento

Bago tuluyang ipinasara ang hotel, inabisuhan ang lahat ng mga magpapares sa naka-tsek-in para sa mabilisang paglabas ng mga ito upang hindi maiwan sa loob ng ipinasarang hotel.

Ipinunto ni Mayor Gacula, hindi pa maaaring mag-operate ang negosyong hotel habang umiiral ang GCQ at hangga’t hindi nabibigyan ng sertipikasyon mula sa Department of Tourism.

Ang anumang hotel ay hindi maaaring mag-operate kahit ang mga kahalintulad nitong establisimiyento.

“Mananatili ring sarado ang iba pang hotel, motel at apartelle dito sa Taytay kung wala silang clearance mula sa national agencies. Kailangan pong sumunod ang lahat habang umiiral pa ang COVID-19 pandemic para hindi kayo malagay sa mas malaking problema kapag kayo po ay nakasuhan. Tiis po muna tayo at kailangan mag-ingat ang lahat para po ito sa kapakanang pangkalusugan nating lahat,” pahayag ng alkalde. (KNOTS ALFORTE)

Related posts

Leave a Comment