Nakaw na cp, ibinenta sa may-ari ‘SELLER’ SYUT SA SELDA

0

CAVITE – Arestado ang isang lalaki makaraang ibenta nito ang isang nakaw na cellphone sa mismong may-ari ng gadget sa Bacoor City sa lalawigang ito.

Nakapiit sa Bacoor City Police ang suspek na si Reymart Quimat, walang trabaho, ng Sitio Tibag, Brgy. Panapaan 3, Bacoor City, makaraang ireklamo ng biktimang si Ronalyn Berbon, 25, ng nasabi ring barangay.

Ayon sa reklamo ni Berbon kay Corporal Marvin Rae Caalor ng Bacoor CPS, nabalitaan niyang may ibinibentang cellphone sa kanilang lugar kaya nagbakasakali siyang ang cellphone niya ang ibinebenta.

Ngunit bago nagtungo sa lugar ay nakipag-ugnayan muna siya sa barangay officials sa Sitio Tibag, Brgy. Panapaan 3 ng naturang Lungsod.

“Nagbakasakali lamang siya. Nagkunwari siyang bibili ng cellphone at kinausap niya ang suspek na gusto muna niyang makita ito bago niya bilhin pero nang nahawakan na ay nakitang hindi pa nabura ang kanyang wallpaper at ilang mensahe dito,” ayon kay Cpl. Caalor.

Bunsod nito, inaresto ng mga barangay tanod ang suspek na sinabing ipinabenta lamang ito sa kanya at namomorsiyento lamang siya.

Nabatid na ninakaw ang cellphone dakong alas-8:00 ng umaga noong Miyerkoles.

Nahaharap ang suspek kasong paglabag sa PD 1612 (Anti-Fencing Law) (SIGFRED ADSUARA)

Related posts

Leave a Comment