‘Nilandi ang live-in partner ng kapitbahay LALAKI TINARAKAN SA ULO, PATAY

CAVITE – Sinaksak sa ulo hanggang sa napatay ang isang 41-anyos na lalaki ng kapitbahay nito nang magselos nang malaman na umano’y nilalandi ng biktima ang live-in partner ng suspek sa Trece Martires City noong Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Raul Fernandez, balo at may live-in partner, ng Brgy. Inocencio, Trece Martires City, hindi umabot nang buhay sa ospital

Nasa kustodiya naman ng pulisya ang suspek na si Marion Michael Nero, 22, may live-in partner, kapitbahay ng biktima, matapos maaresto ng mga barangay tanod.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Rene Bibon ng Trece Martires City Police Station, dakong alas-10:55 ng gabi noong Sabado nang mangyari ang insidente habang nag-iinuman ang suspek at ang biktima kasama ng ilan nilang kaibigan sa Brgy. Inocencio.

Sa kalagitnaan ng kanilang kuwentuhan, nagbiro ang isa sa kanilang kainuman hinggil sa umano’y ginagawang paglalandi ng biktima sa live-in partner ng suspek.

“Kuwentu-kuwentuhan lang, eh puro nakainum na lahat nang biruin na nilalandi ang kanyang live-in partner kaya nagselos ang suspek pero hindi nito ipinahalata ang kanyang galit,” ayon kay P/SSgt. Bibon.

Matapos ang inuman ay umuwi na ang lahat ngunit lingid sa kaalaman ng biktima ay sinundan siya ng suspek.

Habang nasa loob ng kanilang bahay si Fernandez ay narinig nitong may bumato sa kanilang bintana at nang kanyang inalam kung sino ang bumato ay pinagsasaksak siya ng suspek sa kanyang ulo.

Isinugod ang biktima sa Emilio Aguinaldo Hospital ngunit hindi umabot nang buhay. (SIGFRED ADSUARA)

88

Related posts

Leave a Comment