NIRATRAT SA PAANAN NG BUNDOK, 2 MAGSASAKA BANGKAY NA NATAGPUAN

BATANGAS – Patay ang dalawang magsasaka makaraang  pagbabarilin ng hindi nakilalang salarin sa loob ng kanilang tinitigilang kubo sa Barangay Santiago, Sto Tomas sa lalawigan kamakalawa.

Nadiskubre ang bangkay ng dalawang biktimang sina Antonio Sabala, 46 at Florencio Latorre 51, na nakabulagta sa kubo na nasa ilang na lugar sa paanan ng bundok Makiling.

Ayon sa nakdiskubre na si Eddie Boy Barmillo, nagtungo siya sa kanilang sinasakang bukid subalit nagtaka siya nang  hindi  makita ang dalawa sa labas bagamat alas-11 ng umaga na.

Nang sumilip sa kubo, nagulat ang lalaki nang makitang nakabulagta at duguan ang dalawang lalaki.

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, natuklasan na may mga tama ng bala ng baril sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang dalawa na siyang dahilan ng kanilang kamatayan.

Hinihinalang gabi nang pagbabarilin ang mga ito habang nagpapahinga sa loob ng kanilang kubo. Walang nakarinig ng mga putok ng baril dahil 500 metro ang layo ng pinakamalapit na kapitbahay ng mga ito.

Sinabi naman ni P/LtCol Rey Ochavo, hepe ng Sto. Tomas Police, na mayroon silang person of interest sa kaso  at posibleng alitan sa pagsasaka sa lupain ang motibo sa krimen. Nilou Del Carmen

 

71

Related posts

Leave a Comment