PULIS NAGHAMON NG AWAY, PATAY

PATAY ang isang pulis na nanghiram umano ng tapang sa alak matapos mabagok ang ulo sa semento nang sugurin ang kanyang mga kaanak at hinamon ng away, iniulat ngayong umaga sa Tuguegarao City.

Aksidente ang sinasabing dahilan ng pagkamatay ni PSG Ronnie Ferdinand Paguirigan, 34, nakatalaga sa Regional Administrative, Records and Management Unit ng PNP Region 2 at residente ng nasabing lugar.

Sa kabila nito, iniimbestigahan ng pulisya ang mga kaanak ng biktima na sina Jonel Liggayu at Reymund Paguirigan upang matiyak na aksidente ang pangyayari.

Ayon kay PLT Franklin Cafirma, lasing ang pulis nang puntahan ang bahay ng mga kaanak at hinamon ng away.

Ngunit nawalan ito ng balanse kaya natumba pero nagawang tumayo muli at binato ng paso sina Liggayu at Paguirigan. Dito na umano napikon ang dalawa kaya pinatulan ang pulis. Hindi naman nilinaw sa ulat kung binugbog ng mga kaanak ang pulis.

Diumano, nang muling tumayo ang biktima ay natumba ito at doon na humampas ang ulo sa semento.

Posibleng ipagharap ng kasong homicide ang mga kaanak ng pulis sakaling mapatunayan na sila ang dahilan ng kamatayan ng huli. (ANNIE PINEDA)

130

Related posts

Leave a Comment