RICE MILL, NFA WAREHOUSES SA BULACAN BANTAY-SARADO

MAHIGPIT na binabantayan at nagdagdag din ng security measures sa mga rice mill sa Golden City Business Park at Intercity Industrial Estate, kapwa major rice trading
centers sa bansa na nakabase sa bayan ng Bocaue, Bulacan, Ayon kay Police Brig. Gen. Rhodel Sermonia, Central Luzon regional police director, nakatanggap sila ng impormasyon sa sinasabing pag-atake ng mga robbery syndicate sa mga supermarket, grocery stores, warehouses, at iba pang food banks sa gitna ng nararanasang kakulangan sa essential food supply o basic commodities dulot ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa Luzon.

Bilang precautionary measures para pangalagaan ang mga nasabing major rice trading center sa nasabing lugar, ang mga management nito ay nagdagdag ng security personnel 24/7 habang maglalagay rin ng police monitoring post sa harap ng Intercity Industrial Estate na katapat ng Golden City Business Park, ayon kay Lt. Col. Rizalino Andaya, Bocaue police chief.

Ayon naman kay Bocaue Mayor Eleanor “Joni” Villanueva-Tugna, nakaalalay rin ang pamahalaang lokal sa pagtatalaga ng mga volunteer para tumulong sa puwersa ng kapulisan upang mabantayan ang mga nasabing major rice trading center gayundin ang public market laban sa anomang ilegal na aktibidades ng mga crime syndicate.

Binisita rin ni Mayor Tugna ang Bocaue Public Market at personal na inalam sa mga tenant ang concerns ng mga ito para mapangalagaan ang supply ng pagkain sa bayan kasabay ng paglalatag ng plano ng lokal na pamahalaan para rito habang umiiral ang Luzon ECQ.

“Huwag po kayong mag-alala, sapat po ang supply ng bigas at pagkain natin sa mga susunod na buwan. Hindi po tayo dapat mag-panic buying,” ani Tugna.

Kaugnay nito, sinabi ni Piolito Santos, National Food Authority Central Luzon Director na sinabihan na rin nila ang kanilang security personnel na maging alerto sa pagbabantay ng kanilang NFA employees, offices, installations, warehouses, stocks laban sa anomang banta o krimeng posibleng maganap ngayong COVID/enhanced Luzonwide quarantine. ELOISA SILVERIO

84

Related posts

Leave a Comment