Sa pagkamatay ng 16-anyos sa drug ops RESTRICTIVE CUSTODY SA 10 BINAN PULIS

IPINAG-UTOS ni PNP Chief Lt. General Guillermo Eleazar na isailalim sa restrictive custody ang 10 tauhan ng Biñan City Police na kasama sa operasyon na ikinamatay ng isang menor de edad at ng umano ay isang wanted na target ng operasyon noong Miyerkoles, Hunyo 16.

Kabilang sa inilagay sa restrictive custody sa regional headquarters ang isang opisyal at 9 miyembro ng PNCO na naghain ng warrant of arrest sa sinasabing isa sa top 10 most wanted person sa Laguna dahil sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga na si Antonio Castillo Dalit na namatay matapos na umano’y manlaban sa mga operatiba.

Napatay rin sa operasyon ang menor de edad na si Johndy Maglinte, 16-anyos, na kasama umano ni Castillo.

Ayon kay Eleazar, inatasan niya ang regional director ng PRO 4A Calabarzon at ang inspector general ng PNP IAS na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat tungkol sa isinagawang operasyon.

“Ang mga agarang aksyon na ito ay nagpapatunay na walang itinatago ang PNP at kasama ninyo kami sa paghahanap ng katotohanan sa insidenteng ito,” ayon kay Eleazar.

Isinailalim rin sa paraffin test ang lahat ng mga baril ng sangkot na mga pulis.

Nanawagan din si Eleazar sa pamilya ng mga napatay at sa lahat ng residente na nakasaksi sa pangyayari na makipagtulungan sa isinagawang imbestigasyon.

“Nanawagan din kami sa pamilya ng mga nasawi at sa lahat ng residente na nakasaksi sa pangyayari na makipagtulungan sa isinasagawa naming imbestigasyon. Hindi mahahanap ang katotohanan at hindi makakamit ang hustisya kung tayo ay mananahimik na lamang,” ayon kay Eleazar.

Sinabi rin ni Eleazar na personal niyang tututukan ang kaso. (NILOU DEL CARMEN/CYRILL QUILO)

36

Related posts

Leave a Comment