TOP NPA FINANCE OFFICER NAPATAY

BUTUAN City – Patay ang isang finance officer ng New Poeple’s Army sa tri-boundary ng Davao-Caraga-Northern Mindanao Regions, sa ikinasang Inter-Agency Law Enforcement Operation sa lungsod na ito.

Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Philippine Army chief Lt/Gen. Gilbert I. Gapay, napatay sa  law enforcement operation si Manuel G. Magante alyas Jino/Saldo, finance officer ng  Regional Operations Command at kasalukuyang pinuno ng Intelligence Special Operations Group ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC).

Naneyutralisa ng mga tauhan ng Philippine Army at local police si Magante sa isinagawang operasyon sa kamakalawa ng umaga sa Rosales St., Brgy. 15, San Ignacio, Butuan City.

Sa ulat na isinumite ng Eastern Mindanao Command, lumaban nang sabayan si Magante bago maisilbi ng AFP-PNP Inter-Agency Team, ang bitbit nilang warrants of arrest dahil sa mga kasong robbery with homicide  at robbery na inilabas ni  Executive Judge Hilarion P. Clapis Jr. ng 11th Judicial Region, Branch 3 sa Nabuturan, Davao de Oro.

Nakuha sa encounter site ang isang cal .45 pistol, isang  magazine para sa cal .45 pistol, pitong bala para sa cal .45, isang  XLR 200 Honda motorcycle, isang Nokia cellphone at isang  Lenovo Laptop.

Si  Magante ay sangkot din sa mga marahas na pagkilos laban sa hanay ng militar at pulisya gayundin sa mga sibilyan.

Kabilang dito ang pagpatay kay Datu Ruben Labawan, pagdukot kay Jail Warden Coquilla ng Compostela, pagdukot at pagpatay kay Loreto, Agusan del Sur Mayor Dario O. Otaza at anak nitong si Darryl O. Otaza sa Butuan City. (JESSE KABEL)

 

101

Related posts

Leave a Comment