MGA TIP UPANG MAKATIPID SA PAMAMAGITAN NG MATALINO AT MASINOP NA PAGGAMIT NG KURYENTE

0

Kamakailan ay inanunsyo ng Meralco ang bahagyang pagtaas ng presyo ng kuryente ngayong Mayo. Mula sa presyong P8.41 kada kilowatthour (kWh) noong Abril, ito ay umakyat sa P8.60 kada kWh. Ang P0.19 kada kWh na itinaas ng presyo ng kuryente ay resulta ng pagtatapos ng refund kaugnay ng over-recovery sa mga passthrough na singil. Ang pagtaas na ito ay nangangahulugan ng P37 na pagtaas sa kabuuang bayarin sa kuryente ng isang tipikal na tahanang kumokonsumo ng 200 kWh.

Bahagya ring tumaas ang presyo ng generation charge ngayong Mayo. Nanatiling mataas ang presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) bilang resulta ng manipis na supply ng kuryente sa Luzon grid. Nananatili namang walang paggalaw ang distribution charge ng Meralco sa loob ng nakaraang 70 buwan.

Sa kabila ng pataas na paggalaw ng presyo ng kuryente ngayong buwan, mas mababa pa rin ito ng P0.15 kada kWh kumpara sa presyo noong Mayo ng nakaraang taon. Ayon sa Meralco, hindi raw dapat mangamba ang mga konsyumer ukol sa pataas na paggalaw ng presyo ng kuryente ngayong buwan dahil maraming paraan upang makatipid sa konsumo ng kuryente. Ipinaaalala ng Meralco na ang mga konsyumer ay may kakayahang kontrolin ang konsumo upang maiwasan ang pagtaas ng bayarin sa kuryente na maaaring makasira sa badyet ng pamilya. Kailangan lamang ugaliin ang matalino at masinop na paggamit ng kuryente.

Narito ang ilan sa mga tip na maaari ring matagpuan sa website ng Meralco:

BENTILADOR. Sa paggamit ng bentilador, napakahalaga ng pagpili ng tamang uri ng bentilador na naaakma sa laki ng kwartong paglalagyan nito. Ang pagpili ng setting ukol sa bilis ng bentilador ay nakaaapekto rin sa konsumo. Kung mataas ang setting ng bilis, mataas din ang konsumo. Ayon sa pagsusuri ng Meralco Power Lab, maaaring makatipid ng P32.04 sa isang buwan kung ang 16” na bentilador ay gagamitin ng siyam na oras sa isang araw nang nasa mababang setting kumpara kung ito ay nasa pinakamataas na setting. Mahalaga rin ang regular na paglilinis ng bentilador upang maging mas maayos ang konsumo nito.

REFRIGERATOR. Sa pagpili ng refrigerator, ugaliing tingnan ang yellow na sticker na nakakabit dito. Ang mga mayroong mataas na E­nergy Efficiency Factor ay tinatayang mas mababa ang konsumo. Piliin din ang tamang laki base sa laki ng pamilyang gagamit nito. Ang 7-10 cubic foot na refrigerator ay karaniwang may kapasidad ng pag kain na pandalawang tao. Magdagdag ng isa pang cubic foot para sa kada isang miyembro ng pamilya upang malaman ang tamang laki ng refrigerator na naaangkop para sa inyo. Siguraduhin ding mayroong sapat na espasyo na hindi bababa sa dalawang pulgada sa paligid ng refrigerator upang mas makaikot ang hangin nito. Ayon din sa pagsusuri ng Meralco Power Lab, maaaring makatipid ng hanggang 50% kung inverter na refrigerator ang gagamitin.

TELEBISYON. Kung iisa lamang ang pinapanood na palabas, manood na lamang ng sama-sama sa halip na hiwa-hiwalay na telebisyon pa ang gumagana. Kung hindi ginagamit ang telebisyon, ugaliing bunutin ito sa pagkakasaksak. Ang isang TV na may laking 21” ay maaaring makadagdag ng P15-P20 sa inyong bill kada buwan kung ito ay iniiwang naka-stand by mode. Gaya rin ng bentilador, mahalaga rin ang pagpili ng tamang laki ng telebisyon na naaangkop sa laki ng kwartong paglalagyan nito. Maaari ring makatipid ng 27% hanggang 67% sa konsumo kung gagamitin ang energy saving mode ng mga telebisyon. Mas matipid rin ng 77% sa konsumo ang mga LED TV kumpara sa mga CRT (cathode-ray tube) at Plasma television.

RICE COOKER. Ang mga rice cooker ay mayroong ‘Keep Warm’ na setting. Pinaninitili nito ang init na kinakailangan ng kanin matapos itong maisaing. Sa halip na dumepende sa setting na ito, maaaring iadjust ang oras ng pagsasaing ng mas malapit sa aktwal na oras ng pagkain upang hindi na kailanganing gamitin ang nasabing setting. Gaya ng ibang kagamitang de kuryente, makatutulong din kung ugaliin na tanggalin sa pagkakasaksak ang rice cooker kung hindi naman ito ginagamit. Piliin din ang tamang laki ng rice cooker nang naaayon sa laki ng pamilyang gagamit nito.

PLANTSA. Ang pagpaplantsa ay isa sa mga gawaing bahay na karaniwang tumatagal ng ilang oras bago matapos. Upang makatipid sa konsumo sa paggamit ng plantsa, ugaliing magplantsa ng damit nang maramihan. Mas matipid ito sa konsumo kaysa paulit-ulit na pagsasaksak at paggamit para sa iilang damit lamang. Natukoy din ang katpusan ng linggo bilang araw na mababa ang demand sa kuryente kaya’t mainam na sa mga araw na ito itakda ang pagpaplantsa ng mga damit. Suriin ding mabuti ang mga damit na binabalak plantsahin dahil maaaring ang ilan sa mga ito ay hindi na kailangan ng pagpaplantsa.

AIRCON. Ang aircon ang isa sa pinakamalakas pagdating sa konsumo sa kuryente ang pag-uusapan. Tinatayang maaaring nasa 40% hanggang 50% ang kontribusyon nito sa kabuuang konsumo sa kuryente. Napakahalaga ng pagpili ng tamang uri ng aircon na naaangkop sa laki ng kwartong paglalagyan nito. Upang makatipid din sa konsumo ng aircon, i-set ang thermostat nito sa 24 o 25 degrees Celsius. Ayon ulit sa pagsusuri ng Meralco Power Lab, kapag ginamit ng walong oras ang 1.0 window-type na aircon na may thermostat na 25 degrees Celsius, maaaring makatipid ng humigit kumulang P991 kada buwan kumpara kung ito ay gumagamit ng thermostat na 18 degrees Celsius. Ugaliin din ang regular na paglilinis ng aircon at ang pagpapalit ng filter nito kung kinakailangan. Maaaring makatipid ng P334 kada buwan kung mapa­panatiling malinis ang filter ng mga aircon. Mas matipid din sa konsumo kung inverter technology na aircon ang gagamitin.
Ayon kay Meralco FVP and Chief Commercial Officer Ferdinand O. Geluz, “These simple everyday activities include cleaning your aircon filters every 2 weeks to ensure optimal performance. Setting your aircon’s thermostat to 25oC to maximize efficiency, making sure youuse the right aircon size for your room. Making sure your refrigerator’s air vents are not blocked to keep its compressor from working harder, unplugging appliances when not in use to avoid phantom load, using a power strip to make it easier and more convenient to turn appliances off simultaneously with just one switch, and maximizing natural light during daytime.” Ilan lamang ito sa mga tip na maaaring sundin ng mga konsyumer upang hindi masyadong maapektuhan ng pagtaas ng presyo ng kuryente ngayong Mayo. Tumaas man o bumaba ang presyo ng kuryente, nakasalalay pa rin sa mga konsyumer ang pagtaas o pagbaba ng kanilang konsumo. Kung uugaliin ang masinop at matalinong paggamit ng kuryente, maaaring makontrol ang konsumo nang naaayon sa badyet ng pamilya. Para sa kumpletong listahan ng mga tip at iba pang impormasyon, maaaring bumisita sa opisyal na website ng Meralco sa www.meralco. com.ph.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment