SIGNS NA NASA ABUSIVE RELATIONSHIP KA

ABUSIVE RELATIONSHIP

(Ni ANN ESTERNON)

May mga tao talagang nakararanas ng abusive relationship.

Sa maraming pagkakataon ay hindi mo namamalayan na nasa estado ka na pala na abuso na ang partner mo dahil sa umpisa naman ay hindi kayo ganito. Normal iyan ayon sa mga pag-aaral. Hindi mo gugustuhing mali ang relasyon papasukin mo dahil unang-una ay wala namang gagawa nito.

Sa una ay sadyang maayos ang relasyon na akala mo ay nanalo ka sa lotto. Natural na iparamdam sa iyo at maramdaman mo na special ka para in the process pa ay ma-fall ka sa partner mo hanggang sa may mali na sa iyong nakikita o naoobserbahan at nararamdaman. Pero kahit naroon na ang pakiramdam na negatibo ay para bang hindi ka sigurado kung nasa mapag-abuso kang relasyon.

PAANO NGA BANG MALALAMAN NA IKAW AY NASA ABUSIVE RELATIONSHIP?

DOMINANCE. Masyadong authoritative o dominante ang partner mo sa marami o sa lahat ng bagay na dapat ikaw ang sumunod sa kanya at maging tunay na submissive. Mararamdaman mo iyan na sa simpleng bagay na sabihin niya ay parang urgent ito at ikagagalit pa niya kapag walang resultang nangyari. Hindi ka masyadong pinakikinggan o talagang wala siyang effort na tingnan ang importance mo o ng iyong mga sinasabi, pinupunto o ginagawa. Lalabas din ang kanyang pagkadominante lalo na kung tungkol ito sa pera at sad­yang mararamdaman mo iyan. Kapag ang partner ay masyadong nama-magnet ng pera ay ibang usapan na iyan at malaki ang porsyento na ikasisira ninyo ito bilang mag-partner.

REPEATED ACTIONS

Sa kabila ng pagkakamali niya ay panay din naman ang hingi niya ng sorry pero ‘yon at ‘yon din naman ang kinasasadlakan ng inyong relasyon – masakit, masama at malungkot pa rin. Tandaan na ang tao na palagi lamang na nahingi ng paumanhin pero walang pagbabago ay hindi talaga magbabago ngunit magiging manipulative lang. Nakukuha ka sa sorry pero uulit-ulitin lamang din niya ang gusto niyang gawin kahit pa masaktan ka.

NO CONTRITION. Kapag nakagawa ng mali ang partner mo – maliit man o malaki – at hindi nag-sorry ay dapat mag-isip ka na dahil para sa kanya ay mahalaga ang kanyang pride at ego. Mas lalo kang mag-isip kapag lagi niya itong ginagawa.

HUMILIATION. Kung minamaliit ka ng partner mo gaya ng pagsasabing wala kang silbi, wala kang tulong at iba pa ay hindi na healthy ang inyong relasyon. Mas masakit din ito kung ang pamamahiya ay mas nagagawa pa niya in public.

INSENSITIVITY. Kung nagagawa ng partner mo na gawing normal ang buhay niya kahit nasasaktan ka ay nasa mapang-abuso kang relasyon. Isang halimbawa pa nito ay kung nagagawa niyang matulog, umalis ng bahay na hindi kayo okay o kaya ay hinahayaan ka niyang mas maghirap habang siya ay kuntento na okay lang ang kanyang ginagawa kahit hindi naman talaga ito okay.

GUILT TRIPS. Madalas o palaging pinararamdam sa iyo ng partner mo na nasa iyo ang mali kahit hindi naman. Halimbawa niyan ay sasabihing panay ka gawaing bahay at wala ka nang oras sa kanya, pero kung iiwan mo naman ang trabahong ganito ay ipamumukha rin sa iyo na tamad ka o marumi ang bahay.

Nangyayari rin ito kapag nagiging kasalanan mo rin ang hindi pagsagot agad sa kanyang mga tawag o text sa telepono kahit pa alam naman niya na may ginagawa ka sa mga oras na ‘yon.

In the process para kang nangangapa sa kung anong tama o mali, na parang kailangan mo pa ng approval mula sa partner mo para sa iyong mga gagawin.

ISOLATION. Nariyan ang pakiramdam na para bang may sakit ka at nilalayo o iniiwas ka ng partner mo na makausap o makita ang taong malapit naman sa iyo tulad ng pamilya o mga kaibigan. Naroon kasi ang takot ng partner mo na mag-share ka ng bagay na tungkol sa inyo sa mga taong malapit sa iyo. Naroon ang takot niya na mapayuhan ka at in return na dapat mo nang iwasan ang partner mo. Ang mga taong malapit sa iyo at sadyang kilala ay ang unang makakakita at makararamdam na may mali na nangyayari sa iyo kaya pilit kang ilalayo ng partner mo sa mga ito.

CURSING. Kung nakakatanggap ka ng masasakit na salita bilang pagmumura, pagmamaliit sa iyo dahil iba na ang tawag sa iyo lalo na sa tuwing may mainit kayong diskusyon ay masama na ito para sa isang relasyon.

UPBRAIDING. Kapag may panunumbat na ang partner mo sa mga pabor na ginawa niya sa iyo – hiniling mo man o hindi – ay hindi magandang gawain. Hindi dapat isinusumbat ang mga bagay na kanyang ginawa kung talagang mahal ka ng partner mo. Sa panunumbat ay pagsasabi rin ito na utang na loob mo ito sa kanya na kailangan mong pagbayaran o higitan (pero paniningil itong walang katapusan). At kapag naramdaman mo na nang husto na kailangan mo siyang suklian ay doon ka niya lalong maninipulahin.

PHYSICAL ABUSE. Kapag nakukuha ka nang saktan ng pisikal ng iyong partner ay senyales na iyan na dapat ka nang makipaghiwalay. Ang isang beses na pananakit ay mauulit pa lalo kung napatawad mo siya.

SEXUAL ABUSE. Kung wala sa loob mo o hindi mo gusto ang pakikipagniig sa kapareha ay pamimilit lamang ang mangyayari. Magagawa niya ang gusto niya lalo kung alam niyang under ka lang niya o sunud-sunuran. Maliwanag na walang respeto ang partner mo sa iyo.

300

Related posts

Leave a Comment