2020 RONDA PILIPINAS: AQUINO STAGE 3 AT OVERALL LEADER NA

NAGA CITY—Doble-panalo si Jerry Aquino Jr matapos nitong pagbidahan ang 119km Stage 3 at makuha ang overall leadership sa pagpapatuloy ng ika-10 taong selebrasyon ng 2020 LBC Ronda Pilipinas kahapon na nagsimula sa Albay at natapos sa Camarines Sur.

Pinangunahan ng second generation rider na si Aquino Jr. ang 68 na riders na nakatawid sa finish line sa oras na 2:47:12 tiyempo para sa unang pagkakataon ay maisuot nito ang simbolikong red jersey at maging lap winner din.

Pare-parehas ang isinumiteng oras ng Top 10 na sina Ronnel Hualda ng Go 4 Gold, Dominic Perez ng Bicycology Shop Army, Aidan James Mendoza ng 7-11, Jan Paul Morales ng Standard Insurance-Navy, Elmer Navarro ng SIT, Mark Julius Bordeos ng BSA, El Joshua Carino ng Navy, Christian Timbang ng Team Nueva Ecija at Arya Kaul ng Bike Extreme.

Napunta muli ang sprint classification kay 2-time champion Morales (9 puntos) habang nahulog sa ikalawa si Arjay Peralta (8 puntos), ikatlo ang Under 23 na si Mendoza.

Napanatili naman ni Mark John Galedo ng 7-11 ang King of the Mountain, habang pumangalawa sa kanya si Roel Quitoy ng Celeste Cycles at ikatlo si John Mark Camingao ng Navy.

Nakuha ni Aquino Jr, na ang ama ay dating miyembro ng pambansang koponan at ang tiyuhin na si Juan Aquino ay beterano ng Tour ng Pilipinas, ang overall leadership matapos na pumangalawa sa Stage 1 at maging Stage 3 winner para sa kabuuang 9:43:39 oras.

Nahulog sa ikalawa si Stage 1 winner Bordeos na napag-iwananan ng pitong segundo, ikatlo si George Oconer ng Navy na naghahabol ng 13 segundo.

Inokupahan naman ng 7-11 ang Ikaapat hanggang ikawalong puwesto: Rustom Lim (-13), Mark John Galedo (-20), Aidan James Mendoza (-26), Marcelo Felipe (-29), Mervin Corpuz (-29); Ikasiyam si Alvin Benosa ng Celeste Cycles (-30) at ika-10 si Jester Neli Mendoza ng Bicycology Shop Army (-34).

Napanatili din ng 7-11 CliqqAir 21 ang pagkapit sa Team General Classification sa kabuuang  36:08:59 oras. ANN ENCARNACION

Related posts

Leave a Comment