3×3 BASKETBALL TOURNEY SASABAY SA PBA OPENING

UPANG mapataas ang ranking ng Pilipinas sa 3×3 basketball, pasisimulan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang 3×3 tournament sa pagbubukas ng 45th season ng liga sa March 8.

Sinabi ni PBA Board Vice Chair at Columbian Dyip Governor Demosthenes Rosales, maliban sa kasalukuyang 12 PBA teams, magkakaroon din ang Mighty Bond at Dunkin Donuts ng kani-kanilang team para sa nasabing tournament.

Nagpasalamat naman si Samahang Basketbol ng Pilipinas President at Meralco Governor Al Panlilio sa PBA sa pagsuporta nito sa 3×3 program.

“If we want to be serious with 3×3, we make it a stand-alone tournament,” sabi ni Panlilio.

Naniniwala ang SBP prexy na ang 3×3 ay isang sport kung saan maaaring makapasok ang mga Filipino sa Olympics.

“If not in 2020, maybe in the next one (2024) in Paris,” dagdag niya.

Ang hakbangin ng PBA ay makatutulong umano upang masundan ang tagumpay ng bansa sa 3×3 kasunod ng gold medal finish ng men at women’s teams noong  2019 Southeast Asian Games.

Bagamat walang magaganap na draft para sa 3×3 players, bibigyan ng karapatan ang lahat ng kasaling teams na mamili kung sino-sino ang paglalaruin nila sa torneo.

Gayunpaman ay nilinaw ni PBA Commissioner Willie Marcial na hindi awtomatikong makapapasok sa professional ranks ang mga 3×3 player.

Ang 3×3 games ay gaganapin kasabay ng regular PBA play dates sa Metro Manila. (EBG)

Related posts

Leave a Comment