ATLETA, NGANGA

Butch Ramirez

P25K aginaldo mula sa PSC napurnada

(Ni DENNIS INIGO)

DOBLENG dagok ang inabot ng mga atletang Filipino na nagrepresenta sa bansa sa nakaraang 30th Southeast Asian Games ngunit hindi nanalo ng medalya makaraang mabigo ang Philippine Sports Commission (PSC) na ibigay ang ipinangako nitong P25,000 Christmas bonus.

Sinabi ni PSC chairman William “Butch” Ramirez, gusto niyang bigyan ng Pamasko ang lahat ng mga atletang nagsakripisyo sa SEA Games, maging ang mga hindi nanalo ng medalya, kasama na rin ang mga empleyado ng komisyon gaya noong nakaraang taon.

Subalit dahil sa kawalan ng pondo ay hindi na ito natupad. “We have plans, but it remains a plan because of the depleted budget after the 30th Southeast Asian Games,” ani Ramirez.

“We at the PSC are happy that we won the overall championship and also sad because we had to call off our Christmas party,” sabi pa ni Ramirez. “We also wanted to give our employees P25,000 but we couldn’t, so it was really a sad Christmas for everyone.”

Inamin din ng PSC chair na ang nalalabing P400 milyon ng komisyon ay na-withdraw at ibinigay sa Philippine SEAG Organizing Committee (Phisgoc) na pinamumunuan ni Senador Allan Peter Cayatano, para bayaran ang ilang broadcasting expenses noong 2019 Games hosting noong Disyembre.

Ang kawalan ng pondo ng PSC ang sinasabing dahilan kaya’t sa halip na ngayong Enero ay inilipat sa Marso ang ASEAN Para Games.

Labis na nadismaya naman ang ilang atleta dahil sa “pangakong napako” ng PSC. Ayon sa mga ito, dugo at pawis ang pinuhunan nila para sa bansa ngunit sa huli ay binalewala ang kanilang mga naging sakripisyo.

Nagpahayag din sila ng pagdududa sa kawalan ng pera ng PSC at Phisgoc lalo’t tumataginting na P6 bilyon ang buget na inilaan ng gobyerno para sa paghohost ng bansa sa 30th SEA Games.

Tanong pa ng isang nakausap ng SAKSI NGAYON: “Nasaan na at magkano ang totoong kinita ng Phisgoc?”

Ang tinutukoy nito ay ang mga kinita sa event sponsorships at broadcasting rights sa 12-araw na SEA Games.

“Ang problema sa PSC at Phisgoc, puro gastos lang ang binabanggit nila. Pero nasaan at magkano ba ang totoong kinita n’yo sa paghohost natin sa SEA Games,” naiinis na tanong ng SN source.

Bago pa ang SEAG ay kaliwa’t kanang kontrobersya na ang ibinato sa Phisgoc bilang organizer nito. Nariyan ang masyadong mahal na SEA Games cauldron na nagkakahalaga ng P55.9-milyon, kawalan ng preparasyon, kakulangan ng pagkain, transportation at accommodation para sa mga atleta at delegado ng mga kasaling bansa.

86

Related posts

Leave a Comment