BINIBINING MARATHONER PAPARADA

BILANG paggunita sa Women’s Month, magkakaroon ng Binibining Marathoner 2020 sa MOA ground sa Marso 15.

Ang Bb. Marathoner ay bukas sa mga babae at may pusong babae, ayon sa Cribs Foundation.

Maliban sa 42.195-km marathon, mayroon ding 21-km, 10-km, 5-km, at 3-km Munting Bb. Marathoner para naman sa mga kabataang makikilahok sa event.

May temang New Beginnings ngayong taon ang programa ng Cribs, na patuloy na tumutulong sa mga inabusong kabataang babae.

At dahil Marso ay Buwan ng Kababaihan, nais ng Cribs na palakasin ang papel ng mga Piinay sa lipunan at isulong ang pantay na karapatan ng mga kasarian.

Maliban sa nakasanayang medalya at t-shirt, puputungan din ng korona na gawa sa kapis, ang lahat ng makatatapos sa karera. Bibigyan din ang lahat ng hinabing banig na bag na puno ng regalo buhat sa mga sponsor.

Ngunit ang finisher t-shirt ay para lang sa magtatapos ng 42-km at 21-km, at lahat nang tatakbo sa 42-km, 21-km at 10-km ay kakabitan ng timing chip.

Bibigyan ng race kit, na may singlet at numero, ang mga kasali. May karagdagang bayad naman kung nais kumuha ng tutu o palda.

Para sa mga interesado pang sumali, magtungo sa mga sangay ng Garmin sa SM Malls para magpalista hanggang Marso 1.  May online registration din sa RaceYaya.com hanggang ngayon (Pebrero 15).  (DENNIS INIGO)

Related posts

Leave a Comment