Eumir Marcial, naghahanda na sa mga laban sa 2022

DAIG ng maagap ang masipag. Ito ang panuntunang palaging sinusunod ni Tokyo Olympic Games bronze ­medalist Eumir Marcial simula pa noong siya’y nasa amateur hanggang maging propesyunal na boksingero.

Kaya hindi katakatakang lumipad agad siya noong Miyerkoles patungong Amerika upang paghandaan ang mahahalagang labang haharapin niya ngayong taon – ikalawang pro boxing fight niya sa Abril, 31st Southeast Asian Games sa Mayo, at Asian Games sa Setyembre.

Nadala sa karanasang nalasap niya sa pananalasa ng COVID-19 pandemic, na nagsilbing hadlang sa kanyang preparasyon sa Olimpiyada at misyong handugan ang bansa ng gintong medalya, hangad ng 26-anyos na boksingero na itama ang lahat sa pamamagitan ng mas maagang preparasyon.

Sinara ang lahat ng training center noon, kabilang ang Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila, Teachers’ Camp sa Baguio at Ultra sa Pasig, upang bigyang daan ang mga quarantine facilitiy ng ­gobyerno para sa mga biktima ng COVID. Sa kabila nito, hindi napigilan ang mga Pilipinong atleta na gamitin ang kanilang natural na tibay ng loob, lakas ng katawan, determinasyon at dedikasyon upang lumaban sa Tokyo Games.

Sa pangunguna ng kauna-unahang Olympics gold medallist ng bansa na si weightlifter Hidilyn Diaz, ang mga boksingerong sina Nesthy Petecio, Carlo Paalam at si Marcial ay pinilit na makapag-uwi ng karagdagang dalawang silver at isang bronze sa Pilipinas, sa itinuturing na pinakamatagumpay na kampanya sa 97 taong partisipasyon sa pandaigdigang Palaro tuwing ikaapat na taon.

Makaraan ang mahigit apat na buwang pamamahinga, kasabay ang pagpapakasal sa matagal nang nobyang si Princess Galarpe, balik na naman sa gym si Eumir para ituloy ang laban tungo sa pinakamimithing tagumpay para sa bayan.

Sa ngayon ay nagsimula nang mag-ensayo si Eumir sa pamamahala ni Pilipino trainer Marvin Somodio sa pamosong Wild Card Gym ni Hall of Fame guru Freddie Roach.

“Finally, I can now fully focus on my training. I was told to prepare for a scheduled outing. I need to be in excellent shape because I want to get back in the ring soon and also make myself available for the national team by May,” pahayag ni Marcial bago tumungo sa Amerika.

Kung masusunod ang plano, ­posibleng ilipat ni Marcial ang kanyang ­training camp sa Las Vegas para sumailalim sa pamamahala ng tanyag na conditioning coach na si Angel Memo Heredia sa kagitnaan ng Pebrero. Si Heredia ang namahala sa ensayo ng Mehikanong si Juan Manuel Marquez, nang talunin nito ang maalamat na Pilipinong si Manny Pacquiao sa pamamagitan ng 6th round KO noong 2012.

“I thank Sir Sean (Gibbons, MP Promotions president) at Senator Manny (Pacquiao) for making sure I get the best possible team here in the US. I know a lot of great things that coach Memo has done, that’s why it excites me a lot that I will also be under his program,” wika ng boksingerong tubong Lunzuran, Zamboanga City.

Matatandaang pumirma si Eumir ng multi-year contract sa MP Promotions noong Hulyo 2020 at makaraan ito ay nagkaroon ng debut pro fight at tinalo ang Amerikanong si Andrew Whitfield sa apat na round noong Disyembre sa Los Angeles.

Bago pa umalis pa-Amerika, nagpakondisyon na si Marcial sa kanyang ipinatayong gym sa bagong tahanan niya sa Tagaytay City, kasama ang world-rated at kapwa Zamboangenyong si Jonas Sultan.

Related posts

Leave a Comment