HIDILYN DIAZ UUWING BAYANI

0

NAKATAKDANG ­dumating sa bansa ngayon (Miyerkoles) ang bagong bayani at kauna-unahang Filipino Olympic gold medallist na si Hidilyn Diaz.

Matapos ang 97 taon sa kasaysayan ng Philippine sports, ang 30-anyos na si Diaz ay nagmarka sa 2020 + 1 Tokyo nang maka-gold matapos bumuhat ng 97kg sa snatch at 127kg (bagong Olympic record) sa clean and jerk para sa total 224kg (bago ring Olympic record) sa women’s -55 kgs weightlifting competition, Lunes (Hulyo 26) sa Tokyo International Forum.

“It’s mandatory,” sabi ni Philippine Olympic Committee President Rep. Abraham “Bambol” Tolentino. “But more important is that Hidilyn wants to be with her family who she hasn’t seen for more than one and a half years now.”

Kailangang umuwi sa loob ng 48 oras ang mga atleta, opisyal at pati media pagkatapos ng kanilang event o trabaho base sa ­Tokyo Olympics Playbook.

Noong nakaraang taon ay inabutan ng COVID-19 pandemic lockdown si Diaz habang nagte-training sa Malaysia kaya’t minabuting mag-stay na muna at doon na ipagpatuloy ang preparasyon para sa 32nd Games.

“Nagkausap na kami ng mama ko. Tumawag ako sa kanya at nag-congratulate siya sa akin,” sabi ng unang Pinay na Olympic, Asian at Southeast Asian Games gold medallist.

Si Diaz at ang kanyang team sa pangunguna nina Chinese coach Gao Kaiwen at strength and ­conditioning coach Julius Naranjo ay magku-quarantine muna sa hotel sa loob ng pitong araw pagdating sa Pilipinas, base sa itinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

TULOY, MISYON PARA SA BAYAN

WALA pang planong mag­retiro ang ­itinuturing nga­yon na tunay na ‘weight­lifting fairy’ na si Hidilyn Diaz.

Ito ang sinabi ng Philippine Air Force (PAF) ­Airwomen first class na si Diaz sa biglaang Zoom press conference ng Team Pilipinas Secretariat Martes ng umaga.

“Hindi pa po ako tapos sa misyon ko. Ngayon ko lang po naramdaman na kaya ko pa po na mag-lift,” aniya. “Kailangan ko po agad na mag-prepare for SEA Games and Asian Games. Hindi puwede na susuko na ako. I want also to inspire the young generation and encourage them to compete.”

Si Diaz ang unang Pinay na sumabak sa apat na Olympics (2008 Beijing, 2012 London, 2016 Rio de Janeiro at 2020+1 Tokyo). At ­posibleng maging lima pa matapos niyang ipahayag ang planong sumabak sa 2024 Paris Games. (ANN ENCARNACION)

MIRACULOUS MEDAL

HANGGANG ngayon ay hindi makapaniwala si Hidilyn Diaz na nagawa niyang mabuhat ang 127kg sa clean and jerk na naging susi sa Olympic gold medal win niya sa women’s 55kg kontra kay world record holder Qiu Yun Liao ng China.

“First time ko po na nakabuhat ng 127kg sa buong buhay ko. Sinusubukan ko buhatin pero lagi akong nabibigo,” pagtatapat ni Diaz.

Bumuhat siya ng 88kg sa snatch at 112kg para sa kabuuang 200kg noong 2016 Rio Olympics kung saan siya nakapag-uwi ng silver medal, na kauna-unahan din para sa isang Pinay.

Nagpasalamat naman si Diaz sa mga kaibigan at supporters niya na nagbigay sa kanya ng medalyon na aniya’y pinagkunan niya ng spiritual at mental strength sa Tokyo journey niya.

“Ito po yung hinalikan ko agad. Isa po itong ‘miraculous medal’ na ibinigay nila sa akin bago sumabak sa Olympics,” pagbabahagi ni Diaz.
“Nag-novena daw po sila ng 9-days at saka pinabasbasan nila as a sign of prayers of support nina Mama Mary at ni Jesus Christ,” dagdag niya. “Nagpapasalamat po ako sa kanila. (ANN ENCARNACION)”

P35.5-M, HOUSE & LOT AT CONDO

AYAW pang isipin sa ­ngayon ni Hidilyn Diaz ang mga ­nakatakda niyang makuha sa pagkapanalo ng unang ­Olympic gold medal ng bansa.
Kabilang sa mga ipinangakong matatanggap niya

ay P35.5 milyon mula sa ­pamahalaan at mga pribadong kompanya, house and lot mula sa ­Zamboanga City government, at isang condo sa Eastwood City mula sa isang ­property developer.

“Natatakot po ako pati na din para sa Paris 2024,” sabi ni Diaz. “We will still discuss what to do with the incentives po kasi kailangan pa po namin maghanda para sa mga ­tournament,” ang sabi pa ni Diaz. (ANN ENCARNACION)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment