LADY CHIEFS, BLAZERS GUSTONG DUMALAWA

NCAA-4

SA ikalawang araw ng aksyon ngayon ng NCAA Season 95 women’s volleyball tournament, sasagupain ng defending three-time champion Arellano University ang Emilio Aguinaldo College, habang maghaharap ang College of Saint Benilde at Mapua sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Ang Lady Chiefs at Lady Blazers ay kapwa nagtala ng magkahiwalay na panalo sa opening day noong Biyernes.

Sinimulan ng Arellano ang four-peat bid nito sa pamamagitan ng 27-25, 25-20, 25-20 victory laban sa Lyceum of the Philippines University, samantalang ang St. Benilde ay nagtala ng 25-17, 14-25, 25-17, 25-20 panalo kontra University of Perpetual Help Systen Dalta.

Dahil sa naantalang pagsisimula ng volleyball season, siniguro ni coach Obet Javier na nasa tamang kundisyon ang Lady Chiefs.

“Hindi ka puwedeng mag-relax. Lalong lalo na hindi ka dapat magkamali,” pahayag ni Javier.

At kahit hindi masyadong maganda ang off-season performance ng team, naniniwala si Javier na maipagpapatuloy nila ang pananalasa.

“Nakita ko yung kapasidad ng mga bagong player at nakita ko yung mga kakulangan nila,” dagdag niya.

Muling sasandal ang Lady Chiefs kay Regine Arocha, na siyang umatake sa opening game sa kanyang ambag na 18 points, laban sa Lady Blazers sa alas-12:00 ng tanghaling laro.

Ang St. Benilde ay may impresibong off-season showing at sa pinagsamang veteran at rookie players nito na kayang sumagupa sa kampeonato, umaasa silang maibubulsa ang ikalawang sunod na panalo sa alas-2:00 ng hapon laban sa Lady Cardinals.  (VT ROMANO)

66

Related posts

Leave a Comment