MAY TOTOO, MAY PEKE

seagames12

ROLL VTRNAGLABASAN ang iba’t ibang isyu hindi pa man nagsisimula ang 30th SEA Games.

Pero, hindi lahat nang naglabasan ay totoo.

Gaya na lang nang retrato ng Philippine flag na ginawang mantel sa isang catering. Ang nasabing larawan ay pinulot pa ng isang dating miyembro ng mainstream media at ipinost din, na may kasamang batikos sa pinaghahandaang pagbubukas ng biennial meet.

Inamin nang nag-post ng larawan na wala itong kinalaman sa SEA Games. Nadismaya lamang daw siya dahil sa paglapastangan sa bandila ng Pilipinas, kaya niya iyon ipinost.

Galing din naman ng timing ng pagkaka-post. Itinaon pang ilang araw na lang at SEA Games na.

Kung susuriing mabuti, nakisawsaw ang uploader ng larawan sa mga isyung may kinalaman sa SEAG hosting ng Pilipinas.

Nagbigay na rin ng pahayag ang pamunuan ng ABS-CBN hinggil sa nasabing larawan na ipinost nga ng kanilang dating empleyado. Wala raw kinalaman ang nasabing network sa post na iyon, dahil matagal nang nag-retiro ang empleyado.

Maging ang larawan ng football venue sa Biñan, Laguna ay fake news. Inilabas din ito ng isang major newspaper, pero kinabukasan ay nag-erratum.

Naging fake news din ang tungkol kay Ms. Leah Salonga.

Nag-back-out daw sa kanyang performance ang multi-awarded singer/actress sa opening ceremonies ng SEA Games.

‘Yun pala, mula’t sapol ay hindi naman talaga ito magpe-perform dahil may nauna na siyang komitmen.

Inamin ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na may pagkukulang ito. Maging ang Philippine Olympic Committee (POC) at ang Philippine Sports Commission (PSC) ay aminadong may ilang mga tinatawag na ‘glitches’ na hindi maiiwasan.

Pero, sa kabila nito, nanawagan ang tatlong ahensya na huwag na munang bumatikos. Sa halip, tumulong muna sa pagsuporta sa mga atletang Pinoy na sasabak sa laro.

oOo

“Coming out of retirement in 2020.” Ito ang ipinost naman ni Floyd Mayweather sa kanyang social medial account nitong nakaraang linggo.

Napapaisip na naman ang madlang mahilig sa professional boxing at siyempre kasabay nito ang pag-asam sa rematch kay Manny Pacquiao.

Sa IG account nag-post si Mayweather na may kasama pang larawan niyang nakasuot ng boxing trunks at naka-hand wraps pa, na akala mo’y nakahanda na sa isang boxing match.

Pero, gaya ng dati, bitin ang post.

Walang ibang detalye.

Kasunod ng nasabing post, binanggit din niya na may niluluto sila ni UFC president Dana White sa 2020, pero wala ring detalye.

“@danawhite and I working together again to bring the world another spectacular event in 2020.”

Mahilig si Mayweather sa ganitong laro. Alam na alam niya kung paano pakikiligin ang boxing fans, lalo na ang mga nag-aabang ng rematch niya kay Pacquiao.

Nang magkita sina Mayweather at Pacquiao sa Japan noong nakaraang taon, inakala ng fans na muli na silang magkakaharap.

Hindi lang sa Japan nagkita ang dalawa. Nang lumaban si Pacquiao noong Enero, muli silang nagkita sa NBA games.

At nitong Hulyo, binisita pa ni Mayweather sa dressing room si Pacquiao habang naghahanda kay Keith Thurman.

Subalit, ang mga pagkikitang ito ay wala pa ring indikasyon nang rematch.

68

Related posts

Leave a Comment