OBIENA ON-TRACK SA TOKYO OLYMPICS

MAY coronavirus o wala, tuloy ang paghahanda ni Filipino pole vaulter EJ Obiena para sa July 24-August 9 Tokyo Olympics.

Tiniyak ng Philippine Track and Field Association na hindi tumitigil si Obiena sa kanyang training para na rin sa iba pang sasabakang kompetisyon sa Europe at Chula Vista, California.

Sa ngayon ay puspusan ang pag-eensayo ng kauna-unahang Pinoy 2020 Olympic qualifier sa ilalim ng kanyang coach na si Vitaly Petrov ng Ukraine.

Kabilang sa mga minentor ni Petrov si Olympic champion at six-time world champion Sergey Bubka, two-time Olympic gold medalist Yelena Isinbayeva at one-time world champion at Olympic bronze medalist Giuseppe Gibilisco ng Italy.

Walang hirap na tinalon ni Obiena ang 5.80 meters upang ibulsa ang gold medal sa 30th Southeast Asian Games at pagkaraan ay bumalik sa Italy upang ipagpatuloy ang preparasyon para sa

World at Asian Indoors sa China, na gaganapin sana sa susunod na buwan ngunit kinansela ng IAAF dahil sa novel coronavirus outbreak.

Ang iba pang track and field bets ng bansa na naghahangad makakuha ng Olympic slots ay sina: Three-time 400 m hurdles SEA Games gold medalist Eric Cray, na kailangang maabot ang 48.80 seconds o kaya’y makapasok sa world’s top 50 bago sumapit ang June 29, 2020. Sa kasalukuyan ay 48.98 ang best time ang 31-anyos na Olongapo-born na si Cray, na nakatakdang mag-compete sa sa susunod na buwan hanggang June sa US;

Si US-based sprinter Kristina Knott, na tinaguriang 2019 SEAG queen ng 200-meter dash, ay nakatakda ring sumabak sa US, Japan at Italy; habang halos abot-kamay na ni Willie Morrison ang shot put grade ng 21.10 meters makaraang pumukol ng 20.21 sa kanyang native Indiana ngayong buwan; at sisikapin naman ni Natalie Rose Uy na sundan si Obiena sa Tokyo sa kanyang nakatakdang kompetisyon sa Kentucky. (VT ROMANO)

Related posts

Leave a Comment