PAGLALARO NI CRUZ SA GUAM, BAWAL

IPINAGBABAWAL ng Philippine Basketball Association (PBA) na ang isang player ng kasapi nitong team ay maglaro sa ibang koponan habang nakontrata pa ito, gaya sa kaso ni Jericho Cruz ng NLEX Road Warriors.

Si Cruz ay kinuha para sa 24-man pool ng national team ng Guam para sa Fiba Asia qualifiers sa susunod na buwan.

“Bawal talaga yan sa liga. Pero kung papayagan naman ng kanyang koponan, papayagan natin,” ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial.

“Kailangan lang natin na may sulat mula sa mother team na pinapayagan nila ang player at saka magsabi sa atin ang player personally o kahit na sumulat sa liga,” paliwanag ni Marcial.

“Basta pinayagan siya ng kanyang koponan, pagbibigyan natin. Parte din naman yan ng pagtulong natin sa mga player natin at mga team na madevelop,” dagdag ng PBA commissioner.

Nauna nang sinabi ni NLEX Road Warriors head coach Joseller “Yeng” Guiao na suportado ng team ang paglalaro ni Cruz para sa Guam.

Ngunit kailangan umanong sagutin ng nasabing bansa kung sakaling ma-injure ang NLEX guard habang naglalaro para sa national team nito.

Si Cruz, na isinilang sa Pasig, ay may dual citizenship. Siya ay lumaki sa  Guam at Northern Mariana Islands, na parehong nasa ilalim ng teritorya ng United States.

Nakapaglaro siya sa Northern Marianas noong 2009 Fiba Oceania Championship at 2010 Micronesian Games. Nakasama din siya sa Gilas Pilipinas noong 2013 Southeast Asian Games. (ANN ENCARNACION)

154

Related posts

Leave a Comment