PH SPORTS SA PANAHON NI PANGULONG MARCOS

0

(Ni EDDIE ALINEA)

SA Setyembre 11 ay gugunitain ng bansa ang ika-103 kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos. Asahan ang buong kumunidad ng palakasan ay lalahok sa paggunita ng napakaimportanteng araw na ito.

Si Marcos ang pinakamahabang ­naglingkod bilang punong ehekutibo ng Pilipinas sa loob ng 21 taon, simula 1965 hanggang 1986. Ang huling siyam na taon ay sa ilalim ng Martial Law o Batas Militar. Ngunit bago naging Pangulo ang dakilang Ilokanong si Marcos, naging mambabatas muna siya.

Sa larangan ng sports, siya lamang ang naging Pangulo na nakagpatupad ng mga pagbabagong layon ay maiangat ang estado ng mga atletang Pilipino, para katawanin ang bansa sa iba’t ibang kompetisyong pang-internasyonal tungo sa pagkakaroon ng malakas at alertong pamayanan.

Nagtapos ng abogasya sa Pamatasan ng Pilipinas, si Marcos ay nagkaroon ng wastong kaalaman sa mandato ng Saligang Batas, sa premyadong responsibilidad ng pamahalaan para maipakilala at mapataas ang antas ng sports.

Dalawang taon matapos ideklara ang Martial Law, pinalitan ni Marcos ang Philippine Amateur Athletic Federation ng Department of Youth and Sports sa pamamagitan ng Presidential Decree 604, bilang tagapagpatupad ng programa niya sa palakasan na 50 taong taglay ng PAAF simula noong 1911. Itinalaga niya ang kanyang sarili bilang kalihim ng DYSD in concurrent capacity.

Noong Oktubre 31, 1979, nagpalabas si Marcos ng Letter of ­Instructions No. 955 na lumikha sa Project Gintong Alay para mapalakas ang programa ng DYSD. Itinayo rin niya ang national training center sa Lungsod ng Baguio na naging daan sa pagkakatuklas kina Lydia de Vega at Isidro del Prado ng athletics; Eric Buhain at Akiko Thompson (swimming); magkapatid na Mansueto “Onyok” at Roel Velasco, at Elias Recaido (boxing); Norberto Oconenr, Joselito Santos at Domingo Villanueva (cycling); judoka John Baylon; weightlifter Jaime Sebastian at iba pang atleta na dinomina ang SEA Games at Asian Games.

Itinuloy din ni Marcos ang programa ng Public Schools Interscholastic Athletic Association at Private Schools Athletic Association na pinalawak para maging Palarong Pambansa, kasama ang out-of-school youths. Ganoon din ang mga pribadong National ­Collegiate Athletic Association (NCAA), University ­Athletic Association of the Philippines (UAAP) at maging ang Manila Industrial Commercial Association (MICA).

SA ILALIM NG MARTIAL LAW

GINAMIT ni Pangulong Ferdinand Marcos ang sports upang pagandahin pa ang relasyon ng Pilipinas sa ibang mga bansa at ipakita sa lahat ang kakayanan ng mga Pilipinong atleta sa basketball, softball, baseball at iba pa.

Ang pambansang koponan sa women’s softball na kilala sa tawag na Blu Girls ay tumapos na pangatlo noong 1970 World Championship sa Osaka, Japan. Ang men’s team ay pumang-apat naman noong 1968 World Championship sa Oklahoma, U.S.A.

Ngunit bago pa ang bronze medal win ng Blu Girls, nauna nang nakapag-uwi ng tanso ang ­ating men’s baseball team noong 1966 First World Baseball Championship sa Honolulu, Hawaii.

Binuhay ni ­Pangulong Marcos ang ­relasyon ng Pilipinas sa China sa pamamagitan ng pagpapatupad ng one-China ­policy gamit ang ‘basketball ­diplomacy,’ na nagbukas din sa relasyon ng Maynila sa Moscow at iba pang ­sosyalistang bansa.

Inaprubahan ni Marcos ang pagsasagawa ng 1972 Men’s World Softball Championship sa Marikina Sports Complex sa ilalim ng pamamahala ni noo’y Rizal Gov. Isidro Rodriguez, pangulo ng softball association.

Mula 1972 hanggang 1979 ang Pilipinas ay ­nabigyan ng karapatang maging lupong-abala sa ilan pang pang-­internasyonal na kompetisyon na ­naging daan sa pagdaraos ng malalaking kompetisyon sa bansa.

Ang pinakamalaki sa mga ito ay ang Muhammad Ali-Joe Frazier world championship bout na hanggang ngayon, 45 taon na ang nakalilipas, ay pinag-uusapan pa rin sa buong mundo.

Tinaguriang “Thrilla In Manila”, “Super Fight III” at “Fight of the Century,” ang brutal na 15-round na laban ay ginanap noong Oktubre 1, 1975 sa Araneta Coliseum ­(bininyagang Philippine Coliseum) na nagbigay ng ­napakalaking exposure sa bansa at sa salitang “Pilipino” sa panahon ng “new society.”

Tatlong taon makaraan ang Thrilla, ­ginanap naman ang 8th World Basketball ­Championship sa Maynila kasabay ng Anatoly Karpov-Viktor Korchnoi World Chess Championship sa Baguio. Ang world chess tourney, kauna-unahan sa Timog Silangan, ang naging panuntunan ng mga sumunod pang edisyon nito.

Humigit-kumulang isang taon makaraan ang Karpov-Korchnoi event, idinaos naman sa bansa ang “biggest gathering of the finest and brightest golfers on earth” na 1979 World Cup of Golf. Isinagawa ito bilang paggunita sa silver anniversary ng torneo na inihandog sa alaala ni Frederick Corcoran, naging direktor ng paligsahan noong 1955 hanggang 1977.

Kinilalang Olympic of golf, si Pangulong Marcos mismo ang nag-abot ng mala-higanteng Fred Corcoran Trophy sa individual winner na si Gary Player ng South Africa sa Wack Wack Golf and Country Club.

Ang tandem nina Seve Balleteros at ­Antonio Garrido ng Espanya ang tinanghal na kampeon sa World Cup, habang pumangalawa ang mga Pilipinong sina Ben Arda at rookie Rudy Labares.

Related posts

Leave a Comment