Pilipinas sa 1928 Olympics: Unang Olympic medal, handog ni swimmer Teofilo Yldefonso

Ni EDDIE ALINEA

MULA sa isang atleta at isang opisyal na unang kumatawan sa Pilipinas noong 1924 Paris Olympics, noong 1928 sa Amsterdam ay lima kataong delegasyon na ang ipinadala ng Philippine Amateur ­Athletic Federation, ang namamahala noon sa programa ng palakasan sa bansa.

Ngunit tulad ng biyahe noon nina sprinter David Nepomuceno at coach nito na si Dr. Regino Ylanan na tumagal ng 33 araw sakay ng barko, nagpaikot-ikot din ang sinakyan ng mga swimmer na sina Teófilo Yldefonso at Tuburan Tamse, high jumper Simeon Toribio at sprinter Anselmo Gonzaga bago nakarating sa pagdarausan ng Palaro.

Ang pagkakaiba lamang, naka-­daong ang pangkat ni Yldefonso sa Amsterdam isang buwan bago magsimula ang kompetisyon, ‘di gaya ng naranasan nina Nepomuceno at Dr. Ylanan na isang linggo na lamang bago magsimula ang VII Summer Games nang makarating sa France.

Dahil may sapat na oras para maituloy ang preparasyong naudlot sa mahabang biyahe, nakasama sa win column ang Pilipinas sa kada apat na taong Palaro.

Si Yldefonso, miyembro ng Philippine Scout at tubong Piddig, Ilocos Norte ang kauna-unahang Pilipinong nanalo ng medalyang tanso (bronze) nang ­pumangatlo sa kanyang paboritong 200 ­metrong breaststroke.

Naging mas makahulugan ang bronze medal win niya sa Amsterdam dahil unang pagkakataong napasama ang women’s track and field sa Olimpiyada.

Lumangoy si Yldefonso kasama si eventual gold ­medalist Yoshiyuki Tsuruta ng Japan, habang pumangalawa si Erich Rudemacher ng Germany.

Bukod sa bronze ni Yldefonso, na napatay ng mga Hapon sa karumal-dumal na “Death March” mula Bataan hanggang Tarlac noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pumang-apat ang high jumper na si Toribio sa kanyang event.

Kabuuang 48 ang lumahok sa elimination round ng high jump, kung saan nalampasan ni Toribio ang 1 metro at 83 sentimetro para makapasok sa finals jump. Dito ay tumalon si Robert King ng Estados Unidos ng 1.94 metro para

sa gold medal, silver kay Ben Hedges ng USA, bronze kay Claude Menard ng France, at Toribio na kinapos para sa fourth place.

Nang makabalik sa Maynila, buong kababaang loob na ipinagtapat ni Yldefonso sa istoryang sinulat niya sa FILIPINO ATHLETE na lumabas makaraan pa ang walong taon (1936), sinuwerte lamang siya nang makapasok sa semis ng kanyang event.

“While my time was not impressive in the trials, still I was hoping I could place in the finals which was to take place the following day,” aniya. “With my third place finish, I cannot describe how I felt at the moment, especially when our flag was raised in connection with the victory ­ceremony. All I can say is that I felt elated, and satisfied that through my humble efforts, my country was able to score a place in this event.”

Sa Los Angeles noong 1932 ay muling naka-bronze sa nasabing swim event si Yldefonso, kauna-unahang atletang Pilipino na idinambana ng International Swimming Federation sa Hall of Fame nong 1989.

81

Related posts

Leave a Comment