TORRES-SUNANG, WAGI SA TEST EVENT

(NI JEAN MALANUM)

SA kanyang ikaapat na subok, nakalundag si Marestella Torres-Sunang ng distansyang 6.20 meters upang magreyna sa women’s long jump ng Southeast Asian Games athletics test event kahapon sa New Clark City Athletics stadium dito.

Tinalo ni Torres-Sunang ang karibal na Thai at Vietnamese upang dumikit sa kanyang target na 6.45 meters na nagkaloob sa kanya ng bronze medal noong 2017 edition ng SEAG sa Kuala Lumpur.

“Nagpractice na ako dito. Pero this time, may mga foreigners. Hindi naman namin ito focus kasi, siningit lang ito sa training,” komento ni Torres-Sunang, na matatandaang nagtala ng national record na 6.72 meters na naging daan para mag-qualify siya sa Rio Olympics noong 2016.

Bunga ng resultang ito, kumpiyansa si Torres-Sunang na makapagbibigay siya ng tagumpay sa Pilipinas sa nalalapit na 30th SEA Games.

Ang Thai bet na si Chuaimaroneng Parinya ay nagtala ng 6.17 meters sa ikalimang talon nito, habang si Vu Thi Ngoc Ha ng Vietnam ay may 6.02 meters.

“Medyo nakakabawi na sa kumpiyansa,” wika ni Torres-Sunang, na natalo kina Bui Thi Thu Thao ng Vietnam sa 6.68m at ikalawa Maria Natalia Londa ng Indonesia sa 6.47m sa Kuala Lumpur.

“Iba na kasi ang laro ko dahil medyo nag-aadjust na ako kasi hindi na makuha sa bilis sa pagtakbo so gumagawa na lamang ako ng markings kung saan ako dapat na magstart ng pagtalon or iyung pag-float ko,” wika ni Torres-Sunang, sa inaasahan nitong matagumpay na huling paglalaro para sa pambansang koponan.

Tinabunan ng ginto ni Torres-Sunang ang maagang dominasyon ng Thailand sa nasabing test event, na agad nakahablot ng dalawang ginto sa women discus throw at women high jump.

Ang 30th SEA Games hosting ay suportado ng: Platinum sponsors – Ajinomoto, Philippine Amusement and Gaming Corporation, MG Cars, Philippine Airlines, Skyworth and CooCaa. Gold Sponsors – MasterCard, Milo, Pocari Sweat, NLEX, PInco and Rzaer. Preferred – Asics, SM Lifestyle Inc. and BMW. Prestige – Molten and Mikasa. Banking Partners – Chinabank and PNB. Media Partners – Bombo Radyo, Star FM and the Inquirer Group, CNN, United Neon and DOOH. Host Broadcaster – NEP. Official Broadcaster – Sports and Action, TV 5, Cignal, ESPN and PTV 4.

Samantala, hindi naisagawa ang iba pang nakatakdang laro sa unang araw ng athletics, partikular sa running event dahil nabigong maikabit ang mga gamit pang-teknikal sa venue.

 

143

Related posts

Leave a Comment