PRES. DUTERTE 3-IN-1 ANG PASASALAMAT SA OFW

AKO OFW

Mistulang naging 3-in-1 ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang pagsasalita sa pagdiriwang ng Araw ng Pasasalamat sa mga OFW na ginanap sa Camp Aguinaldo noong Biyernes.

Sa simula pa lamang ng programa ay maraming OFW leaders na nanana­langin na sana ay magbanggit si Pres. Duterte ng mga programa na matagal nang hinihiling ng mga OFW katulad ng Department of OFW at OFW Hospital.

Kabilang sa mga ipinahayag niya ay ang mabilis na pagbuo ng mekanismo para sa pagkakaroon ng Department of OFW. Iniutos kay Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello na simulan na ang pagbuo ng meka­nismo at iba pa na dapat na matapos sa Agosto. Kanya ring mamadaliin ang pagkakaroon ng Department of OFW at isasabatas sa Dis­yembre ngayong taon.

Ikalawa sa ipinangako ni Pres. Duterte ay ang magkaroon ng ekslusibong ospital para sa mga OFW at mga pamilya nito. Ipinag­utos ng pangulo na pagandahin at kumpletuhin ang OFW Hospital sa Nueva Ecija at mabubuo pa ang iba nito sa iba pang panig ng Pilipinas.

Nauna rito ay kasama ang Ako OFW sa paglulunsad o groundbreaking ng OFW Hospital sa Pampangga na inaasahang matatapos sa loob ng dalawang taon sa tulong ni G. Enrique Razon, PAGCOR, OWWA at pati na rin ng Provincial Government ng Pampangga.

Ikatlo sa naging pangako ni Pangulong Duterte ay ang aking kahilingan na inilathala noong Hunyo 14, sa aking kolum na ito na kung saan ako ay nanawagan sa pagtatalaga ng Police Attaché sa Kuwait. Ayon sa Pangulong Duterte ay ipag-uutos n’ya ang pagtatalaga ng Police Attaché sa lahat ng bansa na may mga OFW. Ito aniya ang siyang magbibigay ng tulong legal at siya ring malalapitan ng mga OFW sakaling sila ay may problemang kinakaharap sa ibang bansa.

Siyempre pa, hindi natin dapat kalimutan ang mga taong tunay na nagbigay ng kanilang dedikasyon at oras sa okasyon na ito. Pa­ngunahin dito ay sina PNP BGen Rhodel O. Sermonia, DDS Chairperson Gemma Sotto, Ako OFW National Pres. Marcia Gonzalez-Sadi­con, Bishop Andy Alcoba at buong Food Committee, Cezar Gervacio at Mike Pera at Marshall Committee, Zeny Concepcion at volunteers sa First Aid Committee, Julex Mendoza, Janice Salcedo, Dang Mangalino at iba pang OFW Leaders at pati na rin ang donors ng pagkain at paprem­yo na sina Lucy Sermonia ng CLADS, Al Alamia Manpower at Honor Manpower. (Ako OFW /  DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

Please follow and like us:
Read More

PRES. DUTERTE DADALO SA ARAW NG PASASALAMAT SA OFW NGAYON

AKO OFW

Tuloy na tuloy na ang pagdiriwang ng Araw ng Pasasalamat sa OFW ngayong araw ng Biyernes, July 12, na gaganapin sa Grandstand sa loob mismo ng Camp Aguinaldo sa EDSA, Que­zon City.

Ang pagdiriwang na ito ay para sa lahat ng OFW, dati at mga bago pa lamang na magiging OFW at pati ang mga kapamilya nito.

Ito ay dadaluhan mismo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kung kaya ang lahat ay inaanyayahan na dumalo upang personal na makasa­lamuha ng pangulo ang a­ting mga Bagong Bayani.

Nagsama-sama ang iba’t ibang departamento ng ating gobyerno katulad ng Philippine National Police, Department of Labor and Employment, Overseas Workers Welfare Administration, Department of Foreignt Affairs, Department of Trade and Industry, TESDA, NBI at iba pa.

Isa mga mga magaganap mula ika-8:00 ng umaga ay ang Job Fair kaya magdala ng mga dokumento na kakailanganin para sa pag-apply ng trabaho.

Katulad ng nauna nang inanunsyo sa social media, magkakaroon ng pagkakataon ang OFWs na manalo ng house & lot, motorsiklo, scholarship at ma­rami pang ibang papremyo.

Ang lahat ng dadalo ay hinihikayat na dumaan sa Gate 1 sa may Boni Serrano Ave. at kailangan na makarating sa loob ng Camp Aguinaldo mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali dahil matapos ang oras na ito ay isasara na ang pintuan bilang paghahanda naman sa pagdating ni Pangulong Duterte.

Bilang seguridad, ipi­nagbabawal ang pagdadala ng anumang matatalim na bagay at backpack bag.

Minumungkahi rin na magdala ng anumang patunay ng pagiging OFW upang mapasama sa raffle ng lupa at bahay.

Ang Araw ng Pasasalamat ay sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ng mga samahan ng OFWs. Ito ay pina­ngunahan nina PBGen Rhodel O. Sermonia (PNP-Global Police Community Relations), Gemma Sotto (DDS Global), Dr. Chie Umandap at Marcia Sadicon ng (AKOOFW), Lucy Sermonia (CLADS), Cesar Gervacio (Royal Guardians Brotherhood), Dang Mangalino (MRRD), at  Zeny Concepcion (Alliance of OFW). (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

Please follow and like us:
Read More

LMB MANPOWER TINATAWAGAN NG PANSIN

AKO OFW

Dumulog sa Ako OFW ang isa nating kabayani mula sa Hofuf, Saudi Arabia na si OFW May Lyn Sandel. Ang kanyang ahensya sa Pilipinas ay ang LMB Worldwide Services.

Humihingi ng tulong si OFW May Lyn Sandel na makauwi na lamang sa Pilipinas dahil sa masamamg pagtrato sa kanya ng kanyang employer. Diumano ay hindi siya binibigyan ng maayos at sapat na pagkain sa araw araw simula pa noong siya ay dumating sa kanyang employer noong March 20, 2019. Ultimo kamatis at kape na maaari na sana niyang makain para hindi siya malipasan ng gutom ay ipinagdaramot din sa kanya.

Halos nanginginig na siya sa gutom sa araw-araw nitong paninilbihan. Pakiramdam nga niya ay nabibingi na siya kapag sobra na ang gutom niya.

Masaklap pa nito, bukod sa kanyang employer, ay dinadala rin siya ng kanyang amo sa iba pang bahay para doon naman maglinis ng bahay at para sa iba pang gawain. Mistula talaga siyang inalipin ng kanyang employer na maging ang sofa at mabigat na carpet ay siya lamang ang pinagbubuhat.

Upang masiguro na hindi makapagsusumbong sa kanyang ahensya, ay binuhusan ng tubig ng kanyang employer ang cellphone ni Sandel.

Isinusumbong din niya na hindi rin siya binibigyan o kulang ang sweldo kung kaya siya ay humihingi na ng tulong upang siya ay makauwi na lamang sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.

Nakikiusap ang Ako OFW sa LMB Worldwide Services upang kanilang bigyan ng mabilis na aksyon at tamang atensyon ang hinaing na ito ni Sandel.

oOo

Magandang balita para sa mga bago pa lamang magiging OFW, ako po ay magbubukas ng aking bagong Asclepius Medical Diagnostic Clinic na matatagpuan sa Gen. Tinio St., Bangkal Makati City. Kumpleto at modernong kagamitan sa x-ray, ultrasound at laboratory ang ating ginagamit. May malaking diskwento ako na ibibigay sa mga mi­yembro ng Ako OFW. Mag-download lamang ng ating Bantay OFW mobile apps na matatagpuan sa android Play Store para kayo ay magkaroon ng sariling ako OFW ID.

oOo

Ang Ako OFW ay naglalaan ng espasyo para sa anumang kahilingan, sumbong o opinyon ng mga OFW. Magpadala lamang po ng inyong sulat sa aking email drchieumandap@yahoo.com (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

Please follow and like us:
Read More

KADAMA FOR RENT SA SAUDI TALAMAK PA RIN

AKO OFW

Dumulog sa Ako OFW sa pamamagitan ng ating volunteer na si Anne Mahinay ang ating kabayani na si May Anna Loveras.

Reklamo nito, ibinenta at hindi ibinigay ang kanyang sahod na halos 3,700 riyals.

Noong nasa Sharora, ikinulong siya ng kanyang unang amo sa kwarto sa loob ng limang araw ng walang pagkain. Hiniling umano niya sa kanyang amo na uuwi na lamang siya sa Pilipinas ngunit hindi siya pinayagan dahil hindi pa umano siya bayad sa mga nagastos nito sa kanya.

Nagpasya si Loveras na tumakas. Paglabas umano niya ng pinto ng bahay ay may nakakita sa kanyang pulis at tinanong siya.

Sinabi nito sa pulis na ikinukulong siya at hindi pinapakain ng kanyang amo.

Tinawagan ng pulis ang kanyang amo at sinabihan itong pauwiin na si Loveras. Pinapirma ang kanyang amo na pauuwiin siya ng alas-4:00 ng hapon na flight pabalik sa Pilipinas. Ngunit pagdating nito ng Riyadh airport at dahil hindi siya marunong bumasa ng Arabic ay ipinabasa niya ang dala niyang papel sa isang Pinay na nakasabay niya at sinabi nitong hindi pauwi ng Pilipinas ang kanyang biyahe kundi hanggang Riyadh lang.

Hanggang sa sumabay siya sa isang Pinay na lumabas sa pinto ng airport at may nakita umano siyang isang lalaki na inutusan umano ng Teqaath agency nito para sunduin siya sa airport. Dinala siya sa isang bahay na maraming Filipino na tulad niya ay kinukulong at walang maayos na pagkain. ‘Di rin makakontak sa Pilipinas dahil kinukuha ang mga celfone, ballpen at  papeles.

Dahil sa masaklap pa ring napuntahan, hiniling ni Loveras sa bantay na bigyan sila ng employer. Ang bantay mismo ang nagsabi na huwag silang mag-alala sapagkat ibibigay sila sa kabilang agency.

Kinabukasan dinala sila sa kabilang agency at kinulong ulit ng tatlong buwan at wala pa ring trabaho at maayos na pagkain. Ma­rami mang employer, pero ang problema mahal umano ang benta ng agency.

Sa isang taon pa lamang ay nakawalong employers na si Loveras pero ayaw namang ibigay ang kanyang sahod na halos 3,700. Pinipilit din umano siyang pumirma ng kontrata ulit at kapag hindi siya pumirma ay ayaw siyang hanapan ng amo.

Ang gusto ng ating kabayani ay makuha na ang kanyang sweldo at umuwi na lang sa Pilipinas. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

Please follow and like us:
Read More

OFW PINAPAKAIN NG PANIS NG EMPLOYER, EASTERN OVERSEAS MANPOWER TINATAWAGAN NG PANSIN

AKO OFW

Dumulog sa Ako OFW ang ating kabayani na si Sheila Mae Castillo upang humingi ng tulong sa kanyang kasalukuyang dinaranas sa Saudi Arabia.

Sa pamamagitan ng ating Ako OFW Welfare Volunteer na si Aisya Consulelo ay ipinarating n’ya ang kanyang kumpletong detalye kalakip ang mga larawan ng kanyang kalagayan.

Nakakahabag na makita s’ya sa sitwasyon na mistula s’yang itinapon na lamang sa isang palikuran o ng kanilang laundry area, na kung saan ang kanyang tulugan ay katabi mismo ng mga washing machine na may sukat lamang na sapat para makahiga siya. Wala ring kama o kutson ang kanyang higaan na naging dahilan ng kanyang pagkakasakit.

Si OFW Sheila Mae Castillo ay nakarating sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng kanyang ahensya na Eastern Overseas Agency, na may tanggapan sa Dian St., Palanan, Makati City. Ayon sa kanyang sumbong ay, “Hindi po ako pinapakain ng aking amo. Dinala po ako ng aking employer sa kanyang magulang sa Jeddah, Saudi Arabia at doon ako natutulog sa kusina na walang sapin ang higaan. Hindi rin po ako pinapakain, at kung magbigay man ng pagkain ay panis na at malimit ay ang tirang pagkain lamang. Hindi naman po ako makapagluto ng aking sariling pagkain dahil ako po ay pinagbawalan.”

“Pinapaglinis din po ako sa ibang bahay na kaibigan o kamag-anak ng aking employer. Halos apat na buwan po ako nagkalagnat pero hindi man lang ako pinagpahinga at ipinagamot ng aking employer. Noon pong nalaman ng aking employer na ako ay nagsumbong sa aking pamilya ay agad akong sinaktan at tinutukan ng patalim. Nakikiusap po ako na tulungan n’yo ako na makauwi agad.”

Ang Ako OFW ay nanawagan sa kanyang ahensya na kung maaari ay asikasuhin at direktang makipag-ugnayan sa kanilang Foreign Recruitment Agency na Al Arfaj Manpower Recruitment na nakabase sa Saudi Arabia upang makipag-ugnayan sa pulisya ng Saudi Arabia.  Ang sitwasyon ni OFW Sheila ay akin na ring naiparating sa ating Labor Attache Nasser Mustafa at kay OWWA Welfare officer Yolanda Peñaranda. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

Please follow and like us:
Read More

BIKTIMA NG ILLEGAL RECRUITER SA QATAR, TINULUNGAN NG POLO, OWWA AT DSWD

AKO OFW

Isang kaibigan mula sa Community Against Crime Group (CACG) ang dumulog sa akin upang matulungan ang kanyang kapatid na naging biktima ng illegal recruiter sa Qatar. Ayon kay France, ang kanyang kapatid na si Joseph Tumbado ay pumunta sa Qatar sa tulong ng isang recruitment agency. Ngunit nang dumating s’ya sa Qatar ay wala naman palang employer na mapupuntahan.

Idinulog n’ya ang kanyang problema sa kanyang ahensya, ngunit ito pala ay matagal nang nagsara at wala na s’yang mahingian ng tulong. Upang makaipon ng pera, para sa kanyang pag-uwi at maipadala sa kanyang pamilya ay sinubok ni Joseph ang lahat ng paraan para magkaroon ng part-time job, ngunit lagi na lamang s’yang binabalot ng kanyang kaba dahil sa paghihigpit ng bansang Qatar laban sa illegal alien.

Marami nang nilapitan si France para matulu­ngan ang kanyang kapatid na si Joseph, ngunit pinangakuan lamang s’ya.

Agad kong tinawagan si Labor Attache Davis Des Dicang ng POLO Qatar na hindi nag-atubili na tulu­ngan si Joseph. Agad na pinatawag ni Labor Attache Dicang si Joseph sa kanyang opisina upang mabigyan ng pansamantalang tulong na grocery items habang inaayos pa ang kanyang mga dokumento.

Muling dumulog sa akin si France upang ipa­alam sa akin na ang kanyang kapatid na si Joseph ay naka-confine sa isang ospital dahil nawalan ng malay dahil sa mataas na presyon ng dugo.

Sa pag-uusap namin ni Labor Attache Dicang noong Miyerkoles ay kanyang ibinalita sa akin na nakalabas na ng ospital si Joseph at kanya itong ipinasundo sa mga OWWA staff upang dalhin sa kanyang opisina para iproseso ang mga dokumento sa kanyang pag-uwi. Ibinalita rin niya na sinagot na ng DSWD ang airfare para sa mabilis na pag-uwi ni Joseph.

Hangarin ng Ako OFW na makasamang muli ni Joseph ang kanyang buong pamilya sa lalong madaling panahon upang maibsan na ang kanilang pag-aalala. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

Please follow and like us:
Read More

PASASALAMAT SA OFW SA JULY 12 TULOY NA TULOY NA

AKO OFW

Matapos ang ilan ulit na pagbabago ng petsa para sa pagdiriwang ng Araw ng Pasasalamat sa OFW, ay inanunsyo na ni Duterte Die-hard supporter (DDS) Global Chairperson Gemma Sotto na tuloy na tuloy na itong gaganapin sa July 12, sa AFP Stadium sa loob mismo ng Camp Aguinaldo sa Que­zon City.

Bukod sa mga OFW at mga retirado o dating OFW, ay iniimbitahan din ang lahat ng mga kapamilya ng OFWs. Libre ang entrance para sa lahat ng dadalo.

Inaasahan din ang pagdalo ng mga opisyal ng DFA, DOLE, OWWA at ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ang pagdiriwang ay ini­syatibo ng DDS Global at sa suporta ng Philippine National Police Global Police Community Relations (PNP-GPCR) sa pamumuno ni PB/Gen. Rhodel O. Sermonia at ng mga pinuno ng lahat ng OFW Community groups.

Ang PNP-GPCR ay na­ging aktibo sa pag-iikot sa ibang bansa upang iparating sa OFWs ang mga bagong programa at serbisyo ng PNP para sa OFWs at pamilya ng mga ito.

Naging napaka-epektibo ng programang ito ng PNP-GPCR dahil kamakailan lamang ay isang OFW mula sa Saudi Arabia ang hu­mingi ng tulong sa akin dahil sa pagtangay diumano sa kanyang anak ng kanyang dating asawa. Lubhang naapektuhan sa pagtatrabaho sa Saudi ang ating kabayani dahil sa labis na pag-iisip sa kalagayan ng kanyang anak.

Noong nakarating sa akin ang kanyang sumbong ay agad kong ipinadala sa opisina ni P/Gen, Sermonia ang sitwasyon na agad na nag-utos sa PNP Station Commander upang puntahan ang tahanan ng asawa ng OFW at siguruhin na nasa mabuting kalagayan ang bata.

At nito lamang nakaraang Huwebes ay nag-guest ako sa Aksyon Bantay OFW sa DZRH TV ni Flo­rante Rosales, at nabanggit ng ating kabayani na nagkausap na sila ng kanyang anak at ng kanyang dating asawa. Ilan lamang ito sa mabubuting dulot ng programa ng PNP-GPCR.

Sa gaganaping programa sa July 12 na mula 8am-7pm ay maraming papremyo ang maaring mapanalunan ng OFWs at mga retiradong OFWs. Kabilang na rito ang house and lot, motorcycles, TESDA scholarship at marami pang iba. May One-Stop service din na ipagkakaloob ng DFA, TESDA, DOLE at PNP. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

Please follow and like us:
Read More

OFWs MISTULANG HINO-HOSTAGE NG SSS AT PHILHEALTH 

AKO OFW

Mistulang hino-hostage ng SSS at PhilHealth ang OFWs dahil gusto nitong itali o gawing sapilitan na magbayad ang OFWs ng kanilang membership bago makakuha ng OEC o Overseas Employment Certificate na isang document na kailangan na maipakita sa Immigration Officers para makalabas ng bansa.

Mariing tinutuligsa at tinututulan ito ng halos lahat ng OFW leaders at advocates dahil sa pananaw na mistulang ginagawang gatasan ng iba’t ibang institusyon ang OFWs. Napakadali kasi para sa mga ito na i-hostage ang OFWs dahil sa kagustuhan na makapaghanapbuhay sa ibang bansa at wala na silang magagawa kundi sumunod at magbayad huwag lamang maantala ang kanilang pag-alis.

Sa aking pananaw, ako ay hindi tutol sa pagbabayad sa PhilHealth sa kadahilanang ako mismo ay nakinabang ng higit sa P30,000 na diskwento sa pagiging member nito noong ako ay naoperahan sa isang pribadong ospital. Gayundin, ating isinusulong ang pagkakaroon ng OFW Pension Plan. Ang tanging pagtutol lamang dito ng karamihan sa leaders at maging ng mga OFW ay ang sapilitan na pagbayarin ang OFWs kapalit ng OEC gayung karamihan sa mga umaalis ng bansa ay halos nababaon na sa utang dahil sa raming pinagbabayaran sa pagproseso ng kanilang mga papeles sa POEA, visa stamping sa embahada, medical atbp.

Kung ang hangarin ng SSS at PhilHealth ay makalikom ng malaking pondo mula sa OFWs na halos dalawang taon na hindi makikinabang sa medical benefits ng PhilHealth, siguro mas mabuti na palakasin na lamang nila ang kanilang programa sa ibang bansa para maengganyo sa pagbabayad ang OFWs at hindi itali ang OEC sa pagbabayad nito upang hindi naman maramdaman ng OFWs na masyado silang ginigipit at ginagatasan.

oOo

Ang Ako OFW ay naglalaan ng espasyo para sa mga sumbong at mungkahi. Magpadala lamang po ng inyong liham sa aking email address: drchieumandap@yahoo.com (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

Please follow and like us:
Read More

PANAWAGAN SA RAM ASIA INTERNATIONAL MANPOWER

AKO OFW

Isang sumbong ang ipinarating sa akin sa pamamagitan ng ating Ako OFW Inc. Facebook Page at ni Ako OFW Welfare volunteer na si Aisha Consuelo ukol sa hinaing ni OFW Evelyn Lumeran na kasalukuyang nasa Riyadh, Saudi Arabia.

Ayon kay OFW Evelyn, siya ay nakarating sa Riyadh, Saudi Arabia sa pamamagitan ng kanyang ahensya na Ram Asia International Manpower noong Pebrero 18, 2019. Diumano, pagdating n’ya sa kanyang employer na si Mouhdi Abdul Asiz, ay muli siyang pilit na pinapirma ng panibagong kontrata na kung saan ay nakasaad na ang kanyang magiging buwanang sweldo ay ibababa sa halagang 1,000 Riyals, taliwas sa kontrata na kanyang pinirmahan sa kanyang ahensya na dapat ay 1,500 Riyals.

Agad niya itong ipinaalam sa kanyang ahensya, ngunit wala naman itong ginawang aksyon. Kung kaya sinubok n’ya na lamang pakiusapan ang kanyang employer na ibigay na ang kakulangang sweldo na 500 Riyals, ngunit nagalit lamang ang asawa ng kanyang employer. Bukod sa pagsigaw sa kanya ng mga masasakit na pananalita ay sinaktan pa ito at tinakot na ipadadampot sa pulisya.

Matapos ang pananakit sa kanya ay ikinulong s’ya ng kanyang amo sa loob ng CR. Hindi rin s’ya binigyan ng pagkain at tuluyan nang pinahirapan at tinanggalan ng kanyang cellphone.

Labis-labis ang pakiusap ni Evelyn na s’ya ay mailigtas sa kanyang employer dahil talagang siya ay hinang-hina na at halos namimilipit na s’ya dahil sa sakit ng tiyan na maaaring sanhi ng ilang araw na hindi pinapakain ng kanyang amo.

Ako ay labis na nakikiusap at umaasa na mabilis na matutulungan ng ating OWWA Welfare Officer sa Riyadh na si Manny L. Mercado III ang ating kabayani upang makuha s’ya agad sa kanyang em-ployer. Gayundin, ang Ako OFW ay nanawagan sa Ram Asia International Manpower na siguruhin ang kaligtasan ni Evelyn at makipag-ugnayan agad sa kanilang Foreign Recruitment Agency na AROUND THE WORLD. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

Please follow and like us:
Read More