TRIAL RUN NG CHINA-MADE DALIAN TRAIN PALALAWIGIN PA

0

(NI KEVIN COLLANTES)

NAGPASIYA ang Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT-3) na palawigin pa ng isang buwan ang trial run ng China-made na Dalian train.

Ayon sa DOTr-MRT 3, ang orihinal na petsa ng trial run ng naturang train set ay mula Oktubre 15 hanggang, Oktubre 31 lamang.

Gayunman, nagpasya silang patagalin pa ng hanggang Nobyembre 30, 2019, mula 8:30 ng gabi hanggang 10:30 ng gabi, araw-araw, ang initial trial period ng Dalian train upang higit pang maobserbahan na mabuti ang performance ng Dalian train set sa linya ng MRT-3.

Layunin din nitong makatulong sa inaasahang dagsa ng mga mananakay ngayong holiday season.

“Extended ang initial deployment period ng unang train set ng Dalian,” anunsiyo ng DOTr-MRT3

Samantala, sinabi naman ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati na mula nang sinimulang patakbuhin ang nasabing train set sa linya ay wala naman itong naitalang isyu o aberya.

Sa katunayan, positibo pa aniya ang naging tugon ng mga mananakay sa kanilang biyahe lulan ng Dalian train.

“Wala naman pong issues na lumabas. Noong tinanong po namin ang aming mga mananakay at satisfied naman po sila sa pagsakay at pag-launch natin ng Dalian train,” ayon kay Capati.

Ang unang Dalian train set ay kabilang na sa regular fleet ng MRT-3 na bumibiyahe araw-araw, matapos na pirmahan ng maintenance provider na Sumitomo-MHI-TESP noong Oktubre 14, 2019 ang kasunduang nagbibigay pahintulot na patakbuhin ang isang Dalian train set sa rail line.

Ipinababatid naman ng ahensya na sa sandaling magsimula ang pagpapalit ng riles ng MRT-3 ay maaaring pansamantalang ipatigil ang deployment ng nasabing train set.

Ang isang Dalian train set na may tatlong bagon ay kayang makapagsakay ng 1,050 pasahero kada biyahe.

Ang MRT-3, na bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang siyang nagdudugtong sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City.

 

Read More

DALIAN TRAIN BIBIYAHE NA SA UNANG LINGGO NG ABRIL

DALIAN TRAIN
0

(Ni KEVIN COLLANTES)

TARGET ng Department of Transportation (DOTr) na maisama na sa regular na biyahe ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang unang Dalian train set, na natapos na nilang isailalim sa pagsusuri, ngayong unang linggo ng Abril.

Ayon kay Transportation Assistant Secretary for Communications Goddess Hope Oliveros Libiran, dahil tapos na ang commissioning at validation tests sa naturang train set, ay kinakailangan na lamang nilang tapusin ang ilang documentation requirements nito, bago ito tuluyang maisabak sa biyahe.

Siniguro naman ng opisyal na sa oras na matapos na ito ay maisasama na nila ang Dalian train, na may 1,182-passenger capacity, sa regular na operasyon ng MRT-3.

Tiniyak naman ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati na dahil brand new ang mga tren ay wala silang nakikitang anumang problema sa mga ito.

Tinitingnan rin aniya nila ang consistency of travel at ang pagiging malamig nito dahil bagong-bago ang air conditioning unit nito.

Una nang bumili ang nakalipas na administrasyon ng may 48 Chinese-made Dalian trains para madagdagan ang mga tumatakbong tren ng MRT-3.

Hindi naman kaagad nagamit ang mga ito dahil na rin sa isyu ng incompatibility.

Sa kasalukuyan ay tatlong set pa lamang ng Dalian trains ang naisailalim sa kinakailangang commissioning at validation tests kabilang ang 150 oras na Reliability, Availability, Maintainability and Safety (RAMS) validation run, ngunit isa pa lamang sa mga ito ang target na maidagdag sa regular na biyahe ng MRT-3.

Read More